WebClick Tracer

May puwang sa malasakit

Mabigat ang impeachment trial. Mahahaba ang hearing, teknikal ang mga argumento, at bawat salita ng prosecution, defense, at senator-judges ay maaaring magkaroon ng epekto sa kaso. Pero sa gitna ng lahat ng legal na usapin, may isang bagay na madaling makaligtaan. Tao rin ang lahat ng nasa loob ng impeachment court.

Makikita ito sa ilang maliliit na eksena sa pamumuno ni Presiding Officer Chiz Escudero.

Nang magkaroon ng problema si Senator Pia Cayetano sa monitor na ginagamit niya sa proceedings, halimbawa, agad itong ipinagawa ni Chiz. Nang mapag-usapan naman ni Senator Raffy Tulfo ang bell na ginagamit sa pagbabantay ng oras ng mga senator-judge, nagawa niyang pagaanin ang sandali sa pamamagitan ng pagbibigay mismo ng pangalan ng bell-ringer. “The name of the bell-ringer is Anika.” Nagtawanan ang mga nasa impeachment court at kahit paano ay nabawasan ang bigat ng sandali.

May mga ganitong pagkakataon din sa pakikitungo niya sa mga abogado. Kapag kailangan niyang maging firm, ginagawa niya ito nang hindi kinakailangang maging personal o mapanakit. Sa kontrobersiya tungkol sa social-media comments ni Atty. Armando Ligutan, halimbawa, pinaalalahanan niya ang House Prosecution counsel na may obligasyon pa rin ito bilang abogado, kahit ginawa ang post sa kanyang kapasidad bilang teacher.

Mayroon ding mga simpleng konsiderasyon, gaya ng pagpapaupo sa isang abogadong matagal nang nakatayo, pagbibigay-pansin sa counsel na namamaos, at pag-accommodate sa pangangailangan ng witnesses at lawyers para sa tubig o salabat.

Maaaring maliliit na bagay ang mga ito, pero ipinapakita nila ang isang aspeto ng impeachment proceedings na hindi makikita sa transcripts at legal arguments lamang.

Sa likod ng prosecution at defense ay mga abogado at staff. Sa likod ng 21 senator-judges ay mga taong ilang oras na nakaupo at nakikinig. May secretariat na nag-aayos ng records at dokumento, court personnel na nagpapatakbo ng proceedings, at mga witness na maaaring ilang oras ding naghihintay bago matawag.

Ang trabaho ng Presiding Officer, samakatuwid, ay hindi lamang mag-rule sa objections at tiyaking nasusunod ang mga patakaran. Kasama rin dito ang pamamahala sa isang institusyong binubuo ng maraming taong kailangang gampanan ang kanilang trabaho nang maayos sa ilalim ng matinding pressure.

At marahil iyon ang mas tahimik na bahagi ng trabaho ni Presiding Officer Chiz Escudero. Maaari siyang maging mahigpit sa rules, lalo na kung kinakailangan, nang hindi nakakalimutang tao rin ang mga taong kanyang pinamamahalaan sa loob ng impeachment court.

Sabagay hindi na bago sa akin ang mga nakikita ngayon ng publiko kay Sen. Chiz kaya nga ba isa ako sa saludo sa kanyang pamumuno sa impeachment trial.