WebClick Tracer

Ang Sarap Mo Talaga, Iloilo!

Basta usapang pagkain, nangunguna ang Iloilo City pagdating sa mga masasarap na putahe na sikat hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Kaya dapat laging naka-ready ang tiyan kapag napadpad dito dahil maraming iconic dishes na mas masarap tikman sa lugar kung saan talaga sila nagmula.

Hindi biro ang culinary reputation ng Iloilo. Noong October 31, 2023, itinanghal ito bilang kauna-unahang UNESCO Creative City of Gastronomy sa Pilipinas. Wagi rin ang kanilang culinary book na “Flavors of Iloilo” bilang Best in the World sa 31st Gourmand World Cookbook Awards noong December 2025. Kaya naman hindi nakapagtatakang laging kasama ang Iloilo sa top destinations kapag food trip ang usapan.

Kaya nang magkayayaan ang Global Fusion Media kasama ang inyong lingkod para sa Iloilo Food Circuit and Heritage Tour 2.0, hindi na ako nagdalawang-isip na sumama. Sakto rin ang aming pagbisita sa pagdiriwang ng ika-89th Iloilo City Charter Day, kung saan muling binalikan ang mahahalagang pahina ng kasaysayan ng lungsod. Tampok dito ang mga personalidad, lugar at kuwentong naging bahagi ng paglalakbay ng tinaguriang “City of Love” tungo sa modernong Iloilo.

Sa kabila ng pabago-bagong panahon at pag-ulan, hindi nagpahuli ang mga Ilonggo sa pagdiriwang. Mistulang piyesta ang paligid dahil sa dami ng pagkain, kape at inuming ipinagmamalaki ng lungsod. At siyempre, hindi mawawala ang mga legendary na putahe tulad ng La Paz Batchoy, Pancit Molo at KBL o Kadyos, Baboy, Langka.

Ang La Paz Batchoy ay noodle soup na may pork, lamang-loob, itlog, crushed chicharon at malinamnam na broth na minsan ay may bone marrow. Galing ito sa La Paz district at isa sa pinakakilalang pagkain ng Iloilo. Ang Pancit Molo naman ay masarap na soup na may pork wonton dumplings na nagmula sa Molo district. Samantala, ang KBL ay traditional soup na gawa sa kadyos, baboy at langka, na pinapalinamnam at pinapaasim ng batwan. Kasama rin sa culinary heritage ng Iloilo ang Laswa, isang vegetable soup na may kalabasa, okra, talong at iba pang gulay, at ang Kansi, isang hearty beef shank soup na may kakaibang asim mula sa batwan.

Salamat din sa pagpapaunlak ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas na makibahagi kami sa “Kape Ta Sa Merkado” sa Iloilo Central Public Market, isang selebrasyon ng local coffee culture at Merkado Lokal. Patok din ang Fiesta sa Calle Real Night Market na nilahukan ng 94 kiosks ng entrepreneurs, MSMEs, artists at creatives. Sama-sama nilang ibinida ang kanilang mga produkto, talento at kuwentong nakapaloob sa bawat pagkaing pinaglaanan nila ng oras at pagmamahal.

Dinagsa rin ang cooking contest na “Kusinero de Merkado: Sabor, Kultura, Banwa” ng Todo Radyo na ginanap sa Iloilo Central Market. “Madamo gid nga salamat sa tanan nga nagkadto kag nag-suporta, kag sa aton vendors, performers, organizers, emergency responders, kag uniformed personnel,” sabi ni Mayor Treñas. Kahit umulan, tuloy ang food trip at kasiyahan.

Proud ding ibinida ng alkalde ang patuloy na pag-unlad ng Iloilo sa ilalim ng RISE to Action, kasama ang mga programa para sa sustainable development, heritage restoration at pedestrian-friendly streets. Agaw-pansin din ang Iloilo River Esplanade, isang mahaba at magandang walkway na paborito ng mga nagjo-jogging, naglalakad at nagbibisikleta. Napalilibutan ito ng mga puno, gardens at protected mangrove areas na nagbibigay-buhay sa paligid ng ilog.

Maging ang Iloilo Central Market at Iloilo Terminal Market o “Super” ay sumabay sa pagbabago. Sa pamamagitan ng public-private partnership ng Iloilo City Government at SM Prime Holdings, naging mas moderno, malinis at maaliwalas ang mga palengke na opisyal na binuksan noong Nobyembre 2025. May escalators, maluluwag na pasilyo at modernong amenities, pero nananatili pa rin ang mga tradisyunal na puwesto ng lokal na vendors para sa isda, karne, gulay at iba pang produkto.

Ang maganda, hindi tuluyang kinalimutan ang nakaraan. Pinanatili ang ilang makasaysayang disenyo at heritage architecture ng mga lumang palengke, patunay na puwedeng pagsabayin ang progreso at pangangalaga sa pamana.

Dito mo makikita kung bakit espesyal ang Iloilo. Hindi kailangang mamili sa pagitan ng pagiging moderno at pagmamalaki sa sariling kultura. Sa bawat batchoy, pancit, KBL, kape at kuwentong Ilonggo, buhay ang tradisyong ipinapasa mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.

At sa huli, hindi lang tiyan ang nabusog sa food trip na ito. Pati puso, kultura at pagmamalaki sa pagkaing sariling atin.

Ang sarap mo talaga, Iloilo!