Ang pagiging halal na opisyal ay hindi nasusukat sa kung gaano kahaba ang pananatili sa puwesto, kundi kung gaano katagal ang mga positibong epektong iniwan sa buhay ng kanyang mga pinaglingkuran.
Iyan po ang madalas kung nababanggit sa tuwing nakakausap ko ang mga benepisyaryo ng mga programa ng gobyerno na ating naihahatid sa ating mga kababayan sa Distrito Dos.
Ang mga programang pangkabuhayan, pangkalusugan at pang-edukasyon na nailalapit natin sa mga taga-Distrito Dos sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno ay isang mahalagang hakbang para mabigyan sila ng pag-asa at pagkakataong mabago ang kanilang buhay.
Kahit wala na tayo sa puwesto, hindi mawawala ang positibong epekto ng mga programang ito, lalo pa’t kung hindi nila sinayang ang pagkakataong naibigay sa kanila.
Sa Kongreso, ang hangad din natin ay magkaroon ng mga pangmatagalang epekto ang mga batas na ipapasa at naipasa na. Walang saysay ang mga batas gaano man ito kagandang tingnan sa papel, kung hindi maayos ang pagpapatupad nito.
Halimbawa na lamang po ay ang Republic Act 11476 o ang batas tungkol sa pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa K-to-12 curriculum. Sa ilalim ng batas na ito, dapat ay hiwalay na itinuturo ang GMRC at Values Education at tinuturing na regular na subject tulad ng Math at Science.
Ang GMRC, na tila hindi na gaanong pinapahalagahan, ay siyang susi kung paano tayo makakapaghubog ng mga mabubuting mamamayan na sinasabuhay ang pagiging responsable at mapagmalasakit na tao.
Nagsisimulang maging matatag ang moral na pundasyon ng isang tao kung sa murang edad pa lamang ay hindi lamang naituro kundi naisabuhay na ang GMRC sa kanilang pang-araw araw na gawain.
Nakakabahala na ang mga sunod-sunod na kaso ng karahasan sa loob at labas ng ating mga paaralan. Nakakakilabot na isipin na nagagawa ito ng mga kabataang menor na edad na hindi nga dapat nakakahawak man lang ng baril, kutsilyo at iba pang mapanganib na bagay.
Alam naman po nating hindi lamang GMRC ang solusyon sa problemang ito. Pero ito ang simula para maging matatag ang karakter at moral na pundasyon ng ating mga kabataan.
May iba pang mas malalalim na dahilan kung bakit nakakaisip at gumagawa ng karahasan ang bata. Maaring nakaranas ng trauma, pang-aabuso o bullying, napabayaan ang bata o may gulo sa pamilya. Puwedeng na-expose ito sa karahasan, may problema sa mental health, o naimpluwensyahan ng masasamang elemento.
Kaya naman po bukod sa pagpapatibay ng pagtuturo ng GMRC sa mga paaralan, pinanukala rin po natin na repasuhin rin ang mga programa sa pagpapatupad ng mga mental health laws at ang batas laban sa bullying upang mas maging epektibo ang mga ito at mailigtas ang kinabukasan ng mga kabataan.
Hindi rin po ang guro lamang ang dapat na magturo ng GMRC. Maging ang mga magulang at guardian ay may mahalagang papel din dahil kadalasan, ang nakikita ng bata sa bahay, nadadala rin nila sa paaralan. Nagsisimula ang pagtuturo ng magandang asal sa loob ng tahanan.
Dapat rin pong palakasin ang information drive para maituro ang GMRC. Dahil dito naman lagi nakababad ang mga kabataan, gamitin natin ang social media para maituro at maging pamilyar na sa kanila ang GMRC.
Hindi lamang po mga de-kalidad at mga world-class graduates ang kailangan ng ating bansa, kundi maging mga tapat na mamamayang may malasakit at respeto sa kapwa.
Kapag nagtagumpay po tayo sa aspetong ito, hindi lamang magiging ligtas ang mga kabataan laban sa karahasan. Bawat mamamayan ay makakapamuhay nang may dignidad, tapat sa kanilang mga gawain, at sumusunod sa mga batas sa halip na dumiskarte ng iligal. Ang susunod na henerasyon ay siyang makakapagtaguyod ng isang bansang maunlad, at may mga mapapagkatiwalaang institusyon.
‘Love you, Parañaque!













