WebClick Tracer

Mula CDO, tuloy ang kuwento ni Kael Co

May mga tao talagang kahit lumayo sa Maynila, tuloy lang ang ginagawa at mas lalo pang nagiging productive.

Isa na rito si Mikael de Lara Co, o Kael sa kanyang mga kaibigan, isang Palanca Hall of Famer na mula 2020 ay Cagayan de Oro na ang tinatawag na tahanan.

Noong Agosto 22, inilunsad ni Kael ang kanyang bagong libro na Epistolaryo ng Bagamundo at ang Tugon ng Multo sa Linya-Linya Headquarters sa Libis, Quezon City.

First poetry book niya ito sa Filipino at hindi rin biro ang laman. Pinagsama rito ang mga tulang isinulat niya sa loob ng mahigit 20 taon, kasama ang ilan sa mga nagbigay sa kanya ng Grand Prize sa Carlos Palanca Memorial Awards noong 2008, 2023 at 2024.

Anim na Palanca Awards na ang nakuha ni Kael at lima rito ay Grand Prize. Noong 2024, napabilang na rin siya sa Palanca Awards Hall of Fame.

May nauna na rin siyang poetry book na What Passes for Answers na inilabas noong 2013 at naging finalist pa sa National Book Award.

Pero bukod sa mga award, interesting din kung paano nagbago ang buhay at pagsusulat ni Kael nang lumipat siya sa Cagayan de Oro.

Noong kasagsagan ng pandemic noong 2020, iniwan niya ang Metro Manila at doon na nanirahan kasama ang kanyang asawa at tatlong anak. Sa Macasandig sila nakabase ngayon at bumabalik na lang siya sa Maynila kapag kailangan sa trabaho.

At siyempre, malaking pagbabago iyon para sa isang taong matagal na ring umiikot ang buhay at trabaho sa Metro Manila.

Makikita rin sa bagong libro ang mga pinagdaanan at nakita niya sa nakaraang dalawang dekada. Nandiyan ang pandemic, digmaan, karahasan, Gaza, pag-alis sa isang lugar at ang pakiramdam ng pagbabalik sa dating tinatawag mong tahanan.

Iba-iba man ang lugar at panahon, umiikot pa rin ang mga tula sa mga bagay na pamilyar sa ating lahat, pamilya, lungkot, alaala, malasakit at pag-asang may makikita pa ring magandang bukas kahit mahirap ang sitwasyon.

Sa book launch, nakasama ni Kael ang kapwa makata na si Abner Dormiendo. Naroon din sina Michael M. Coroza, Enrique S. Villasis at Edgar Calabia Samar, na nagbigay rin ng kanilang mga komento tungkol sa libro.

Maging si National Artist for Literature Virgilio S. Almario ay nagpahayag ng paghanga sa kanyang mga tula.

May mga kaibigan din siyang dumalo mula sa dati niyang trabaho sa political communications, kabilang si dating Akbayan Rep. Barry Gutierrez. Dumaan din si Sen. Risa Hontiveros para suportahan ang book launch.

Hindi lang naman sa pagsusulat ng sariling tula kilala si Kael. Literary translator din siya at nakapagsalin na ng mga gawa nina Virgilio Almario at historian Dr. Lisandro E. Claudio. Naging bahagi rin siya ng pagsasalin ng unang nobela ni Edgar Calabia Samar.

Tatlo sa mga librong kanyang isinalin o tinulungang isalin ay naging finalists din sa National Book Awards.

Magandang kuwento rin ito ng isang manunulat na piniling lumayo sa Metro Manila pero hindi naman lumayo sa kanyang pagsusulat.

Sa Cagayan de Oro niya ngayon kasama ang kanyang pamilya, pero dala pa rin niya ang mahigit dalawang dekadang kuwento, karanasan at mga lugar na naging bahagi ng kanyang buhay.

At ngayon, pinagsama-sama niya ang marami sa mga iyon sa isang libro.

Congrats, Kael. Tuloy lang ang pagsusulat.

At sana mas marami pang Pilipino, lalo na ang mga kabataan, ang mahikayat na magbasa at magsulat ng sariling atin.