May panawagan sa mga kinauukulan ang mga beteranong bakwit kapag bumabaha. Bagaman ipinagpapasalamat nila ang mga rasyon na tulong na ipinapadala sa mga lumilikas mula sa mga binahang mga bahay, ang gusto pa rin nila ay solusyon sa problema sa baha.
Pero bago ‘yan, nagpapasalamat ang ilang nating ayudanatics na kurimaw sa Gilas Pilipinas dahil nagbigay sila ng “good news” sa mga Pinoy sa kabila na naman ng pagkakalubog ng malaking bahagi ng Luzon sa baha dahil sa Habagat.
Hirit ng mga mataba ang utak, sa pangalan pa lang ng Habagat, hindi na maiiwasan ang baha. Kapag daw kasi binaligtad ang pangalan ng Habagat, ang labas eh “Tagbaha.” Aba’y may katwiran nga naman.
Pero kahit masama ang panahon, marami pa ang rin ang dumayo sa MOA Arena para panoorin ang magkasunod na laban ng Gilas kontra sa Jordan at Iran. Hindi naman nabigo ang mga utaw na nanood sa mga laban dahil panalo ang Pinas.
Mas nakaka-atake nga lang sa puso ang laban ng Gilas sa Jordan dahil dikit ang final score na 82-81. Habang sa huling dalawang minuto naman naging malinaw ang panalo ng Gilas sa Iras, 68-56. Ngunit ika nga sa linya ng mga action movie—hindi pa tapos ang laban.
Dahil sa dalawang panalo, umangat ang kartada ng Gilas sa 4-4 na may 12 points sa Group E. Pangalawa sa kulelat na kasunod ng Syria na 2-6 na may 10points. Nasa ika-tatlo at ika-apat na puwesto naman ang Jordan at Iran na may tig-5-3 na kartada at tig-13 points.
Sa Nobyembre ang sunod na laban ng Gilas. Una ang Syria, at pagkatapos ay rematch nila sa Iran, na homecourt naman ng huli. Hirit ng mga kurimaw natin, sana daw eh kahit walang bagyo o hindi malubog sa baha ang Pilipinas eh magkaroon pa rin ng inspirasyon ang Gilas na ipanalo ang sunod nilang mga laban.
Samantala, kaawa-awa na naman ang mga utaw na nalubog sa baha ang mga bahay, gaya ng mga taga-Bulacan na beterano na sa paglikas at suki na ng mga evacuation center. Nalubog din sa baha ang malaking bahagi ng Pampanga, at mayroon din sa Bataan, Cavite, at siyempre—ang Metro Manila.
Ang ilang kurimaw natin, nag-abang ng mga opisyal na titirada ng linyang “madali namang humupa ang baha,” o “mas mababa na ang baha ngayon kaysa noon.” Para sa kanila, kawalan ng “empathy” ang naturang linya na parang hindi raw nararamdaman ang pinagdadaanan ng mga utaw na mapeperwisyo ng mga baha… na hindi na nagiging taon-taon kung hindi buwan-buwan, o tuwing malakas ang ulan.
Hindi naman talaga biro ang baha na kahit sabihin na hanggang tuhod lang. Aba’y kapag sa kalsada ‘yan, tigil na ang mga maliliit na sasakyan. Ang resulta, marami ang stranded sa kalye. Delikado rin sa mga naglalakad kung may bukas na kanal na ‘di makita dahil natatakpan ng baha. Bukod doon, hindi naman sa lahat ng lugar eh hanggang tuhod lang ang baha. Kaya natural na tataas ang kilay ng mga utaw na hanggang mata nila ang lubog sa baha.
Kapag pinasok naman ng hanggang tuhod na baha ang loob ng bahay, perwisyo ‘yan dahil magtataas ka ng mga gamit. At kung mamalas-malasin pa, ang takobets sa bahay, dehin na magagamit kapag na-jebs. Kaya ang mga suki sa mga evacuation center, pagod na sa kakalipat at kakaasa sa rasyon ng tulong mula sa mga kinauukulan.
Kaya ang panawagan ng marami sa kanila, bagaman nakatutulong ang rasyon, ang mas gusto nila eh solusyon sa baha para hindi na nila kailanganging umalis ng bahay kapag malakas ang ulan. Ang problema, kung ang nasa isip ng mga nasa puwesto eh may takits sa baha gaya ng may takits sa basura, baka unti-untiin lang nila ang paghahanap ng solusyon. Huwag naman sana. Tandaan: “Bata nyo ‘ko at Ako ang Spy nyo.”













