WebClick Tracer

Pagpupugay sa 5,000 promoted teachers

Dahil sa bagong programa ni Pangulong Bongbong Marcos at ni Department of Education (DepEd) Sec Sonny Angara ay marami nang karapat-dapat na school heads at mga guro sa mga public school ang agad na-promote kabilang na ang higit 5,000 dito sa CamSur.

Binabati natin ang mga school heads at mga guro na ito sa kanilang promosyon na idinulot ng mabilisang pagpapatupad ngayong taon ng Expanded Career Progression (ECP) ng DepEd na siyang nagbukas ng daan para sa career growth path ng ating mga guro na karapat-dapat namang mabigyan ng mataas na mga posisyon at yaong mga nangangarap maging mga school administrator.

Bago ito, noong una, ay maaari lamang mai-promote na school administrator ang mga guro o makakuha ng mas mataas na puwesto ang mga guro kapag nagkakaroon ng bakante o kung ang taong may hawak na posisyon ay nagretiro, nag-resign o kaya ay yumao na.

Kaya naman pinasasalamatan natin si Pangulong Marcos at si Sec. Sonny dahil sa inilaang pondo para sa ECP na dahilan para agad magkaroon ng mas maraming posisyong available sa DepEd na binuksan para sa mga administrator at mga guro na matagql ng naghihintay ng promosyon.

Ang katatapos lamang na mass oath-taking ng mga reclassified at na-promote na 5,000 school heads at mga faculty members dito sa amin ay isinagawa kasama si Sec. Sonny sa Freedom Sports Complex sa Pili at siyempre ay kabilang sa mga dumalo ang inyong lingkod gayundin sina Cong. Migz at Cong. Luigi Villafuerte at DepEd regional director Gilbert Sadsad.

Matapos ang tatlong taon, ang ECP ay naitatag sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 174 of 2022 o “Career Progression System for Public School Teachers and School Leaders Act.”

Sa pamamagitan ng ECP, nabuksan ang oportunidad para sa mga public school head at mga teacher na makaangat ng ranggo at madagdagan ang suweldo nang hindi na kailangan pang maghintay na may magretiro o bakantehin ng mas senior sa kanila ang mga plantilla position.

Ang RA 12288 ang nagkakaloob ng classroom teaching (CT) career growth path para sa mga guro na gustong manatili sa pagtuturo at nagbubukas din ng daan para sa school administration (SA) path naman sa mga nangangarap na maging school-head at mailagay sa mga administratibong posisyon.

Hindi ito basta awtomatikong sistema ng promosyon batay sa haba ng serbisyo. Sa halip, ang ECP ay nagbibigay ng daan para sa paglago sa karera batay sa merito, kakayahan, at kwalipikasyon, at iba pang pamantayan sa ilalim ng Philippine Professional Standards for Teachers (PPST).

Ang programang ito ang nagbubukas ng daan sa promosyon ng 82,000 school heads at mga guro na nasa iba’t ibang lugar sa bansa.

Dito sa CamSur, umabot na sa 5,354 teachers at school heads ang nabigyan ng promosyon dahil dito sa ECP.

Ang promosyon ng mga gurong ito at school head sa aming lalawigan ay malinaw na patunay sa dedikasyon, kakayahan, tiyaga, at maraming taon ng tapat na serbisyo nila sa pagsusulong ng kalidad na edukasyon at paghubog ng kinabukasan ng mga kabataan sa CamSur.

Kaya nga saludo tayo sa mga gurong ito sa kanilang pagiging nation-builders dahil sila ang pinagtitiwalaan natin na humubog sa kaisipan, halaga at pangarap ng mga susunod na henerasyon. Pinasasalamatan natin ang mga guro sa kanilang pagsasakripisyo at commitment sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa kabila ng mga hamon sa kanilang propesyon.

Sa gitna ng lahat ng ito, hindi pa tapos ang ating pakikipaglaban para madagdagan pa ang ECP budget dahil mas marami pang school head at teacher ang umaasam na ma-promote. Kaya naman pursigido sina Cong. Migz at Cong. Luigi na doblehin pa ang ECP budget mula sa kasalukuyang P6 bilyon na hangad nating gawing P12 bilyon sa ilalim ng panukalang budget ng DepEd sa taong 2027.

Batid nila na dahil marami pang guro sa aming lalawigan ang naghihintay ng promosyon, kailangan ang mas mataas na ECP budget sa taong 2027 at sa mga susunod pa upang maging investment sa kinabukasan na rin ng bawat batang Bicolano.

Muli, ang aming malugod na pagbati sa lahat ng na-promote.

Kaugnay naman ng nauna na nating tinalakay sa mga naging kolum natin tungkol sa pagsusulong ng CamSur Uptown, pormal nang nailunsad noong Biyernes ang 250-ektaryang smart global city na inaasahan nating mas angat pa kung ikukumpara sa BGC. Inaasahan natin na ito ang napipintong mag-transform sa buong lalawigan ng CamSur bilang isang hub para sa information technology o IT infrastructure sa buong bansa.

Kaya naman, abangan nyo ang ating susunod na kolum dahil tungkol ito sa katatapos lamang na pag-launch ng CamSur Uptown na ginanap sa Shangri-La The Fort sa BGC noong isang linggo.