Posibleng matanggal na vice-chairman ng Senate committee on finance si Sen. Loren Legarda kung hindi pa rin ito uuwi ng Pilipinas sa oras na simulan na ang deliberasyon sa panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Sen. JV Ejercito, chairman ng finance committee, ipinagbigay alam na niya kay Legarda kung anong mga ahensiya ng gobyerno ang hahawakan nito pero ang naging tugon lang umano ng senadora ay “thank you.”
Aniya, wala man lang umano nito binanggit kung kailan ito makakauwi sa bansa dahil sa extended medical leave nito mula pa noong Agosto.
“Nag-thank you lang siya, wala naman siyang nabanggit sa ngayon, ang alam ko lang she’s on extended medical leave,” paglalahad ni Ejercito.
Kung hindi umano makakabalik sa takdang oras si Legarda, ia-assign niya sa ibang vice-chairman ang mga government agency na nakatoka sa senadora.
“‘Pag no choice talaga I will ask the other vice chairs to take in the other agencies (assigned to Legarda) kasi hindi kakayanin talaga, medyo loaded na rin ako,” ani Ejercito.
Si Legarda ay isa sa walong vice-chair ng finance committee.
Nauna nang sinabi ni Senador Panfilo Lacson na nagpapagamot si Legarda sa problema sa kanyang baga.
Inatasan na ng Office of the Ombudsman si Legarda at ang anak nitong si Batangas Rep. Leandro Leviste na magpaliwanag sa reklamong plunder at graft kaugnay ng pagkabigo ng kompanya ni Leviste na mag-produce ng solar power sa kabila ng ipinagkaloob na prangkisa sa kompanya nito.









