Nanawagan ang Malacañang sa mga opisyal ng gobyerno na maging sensitibo sa kanilang pananamit at kilos kapag humaharap sa mga kababayang biktima ng baha.
Ito ay matapos punahin ang ilang opisyal na nakitang naka-designer o branded na damit habang iniinspeksiyon ang mga lugar na sinalanta ng baha.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, hindi naman nasusukat sa damit ang serbisyo ng isang opisyal.
“Ang pagseserbisyo po ay hindi nakikita sa damit. Nakikita po ito sa gawa,” diin ni Castro.
Gayunman, sinabi niyang dapat pa ring isaalang-alang ng mga opisyal ang kalagayan ng kanilang mga kababayan.
“Siguro kailangan din maging sensitive kasi lalong-lalo na kung ‘yung mga kababayan natin ay nakakaramdam ng hirap, trauma at kalungkutan,” dagdag niya.
Humingi naman ng paumanhin si Pampanga Gov. Lilia Pineda matapos siyang mabatikos kasama ang anak na si Vice Gov. Dennis Pineda na nakasuot ng Prada, Burberry at Balmain sa inspeksiyon ng baha sa Pampanga.
Paliwanag ni Gov. Pineda, nakaugalian na umano nila na paggising sa umaga “kung ano lang ang madampot mo, ‘yun lang ang isusuot mo.”









