Inaasahan ng Social Security System (SSS) na humigit-kumulang P100 bilyon ang kikitain nito ngayong taon, mas mababa kaysa noong 2025 dahil pinalalawak nito ang mga benepisyo at iba pang serbisyong pakikinabangan ng mga miyembro.
Inilunsad ng SSS ang Microloan Program na nagbibigay sa kuwalipikadong miyembro ng pautang na P1,000 hanggang P20,000 na 8% lamang ang interest per annum na maaaring bayaran sa loob ng 15, 30, 60 o 90 araw.
Pinag-aaralan din ng SSS ang Energy Sustainability Loan Program para matulungan ang mga miyembro sa pagpapakabit ng solar system sa kanilang bahay. Posibleng pautang na P200,000 hanggang P400,000, depende sa halaga ng solar system. Target ng programa ang mga miyembrong sakop ng Mandatory Provident Fund, bagama’t hindi pa pinal ang loan amount at eligibility rules.
Sa pagpapalawak ng benepisyo at loan programs, sinabi ni SSS president at CEO Robert Joseph M. de Claro na hindi pangunahing layunin ng pension fund ang maghabol ng mas malaking tubo.
“So, it is not our intention to make the most money. My intention is to provide more benefits to the Filipino members of SSS,” ani De Claro. (Eileen Mencias)









