Umapela ang Malacañang sa mga motorista na huwag munang pumasok sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa dami ng mga nais¬tranded bunga ng matinding pagbaha sa ilang bahagi ng expressway.
Sa press briefing nitong Martes, tinabla rin ni Palace Press Officer Claire Castro ang mga panukala na huwag munang maningil ng toll sa NLEX dahil magreresulta lamang ito ng mas matinding trapik.
“Bakit ka pa papasok kung traffic na? ‘Wag mo na gamitin muna. I mean, ‘di ba? For the meantime, huwag na muna kayong dumaan doon kung hindi naman din siya makakalusot,” paliwanag ni Castro.
Hindi rin umano kinokonsidera ng gobyerno na patawan ng parusa ang management ng NLEX dahil sa pagka-stranded ng mga motorista bunsod ng baha sa nasabing expressway.
Ayon kay Castro, ang prayoridad ng gobyerno ay matulungan ang mga apektadong motorista at hindi ang pagpaparusa sa operator ng NLEX.
Binanggit pa ni Castro na hindi rin pinag-usapan sa pulong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang mga opisyal sa Malacañang noong Lunes ang pagpapataw ng parusa sa expressway operator.
“Hindi napag-usapan kung anumang sanction. Ang nasa proposal po ng Pangulo ay paano po matutulungan iyong mga naipit nating mga kababayan sa NLEX,” paliwanag ni Castro sa tanong kung inutusan ni Pangulong Marcos ang Toll Regulatory Board (TRB) na patawan ng sanctions ang NLEX management dahil pinapasok pa rin sa expressway ang mga motorista kahit alam nilang matindi na ang trapik dito dahil sa pagbaha.









