WebClick Tracer

Palakasin ang mental health support para sa mga kabataan

Muli akong nakikiramay sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga nasawi at nasugatan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City, Leyte. Bilang isang magulang, napakasakit tanggapin ang ganitong pangyayari, lalo na dahil mga kabataan at mag-aaral ang naging biktima.

Nakakalungkot din ang napabalitang pamamaril sa Pantukan, Davao de Oro. Dapat magkaroon ng maayos, kumpleto, at patas na imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan at mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Bukod sa seguridad, kailangan nating tingnan ang mas malalim na kalagayan ng ating mga kabataan. Kumpirmadong ang mga suspek mismo ay pawang mga menor de edad. May mga ulat din na tinitingnan na bullying bilang isa sa posibleng salik sa pangyayari. Kaya hindi lang ito usapin ng disiplina at batas. Usapin din ito ng mental health.

Bilang health reforms crusader, matagal ko nang sinasabi na ang mental health ay hindi dapat isantabi. Kaya isa tayo sa nagsulong ng RA 12080 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act para magkaroon mental health support tulad ng school counselor associates sa mga basic educational institutions. Inihain ko rin ang Senate Bill No. 176, na naglalayong magkaroon ng Mental Health Offices sa lahat ng public higher education institutions sa bansa. Layunin nitong magkaroon ng libreng counseling services, trained mental health professionals, at 24/7 mental health hotlines para sa mga estudyante.

Kailangang palakasin ang mental health support system para sa mga kabataan sa iba’t ibang antas ng edukasyon. Kailangang mas maging handa ang mga paaralan, pamilya, komunidad, at kinauukulang ahensya sa pagtukoy at pagtulong sa mga batang may pinagdaraanan.

Laging bukas ang aking tanggapan upang makatulong sa mga magulang at kabataang apektado ng insidente, sa abot ng ating makakaya. Ipinagdarasal ko ang kapayapaan ng mga nasawi, ang paggaling ng mga nasugatan, at ang paghilom ng mga batang nakaranas ng takot at trauma.

Samantala, noong June 19, personal tayong nag-abot ng dagdag na tulong para sa 202 nasunugan sa Caloocan City na patuloy na bumabangon. Nakatanggap din sila ng tulong mula sa national government upang makabili ng housing materials para muling maitayo ang kanilang mga tahanan.

Bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, personal din tayong dumalo sa 5th Philippine Sports Hall of Fame Enrichment Ceremony ng Philippine Sports Commission noong June 20, na ginanap sa Rizal Sports Complex. Patuloy nating isinusulong ang mas malaking suporta para sa sports programs, youth development, nation-building, at healthy lifestyle. Patuloy din nating hinihikayat ang kabataang Pilipino na pumasok sa sports, umiwas sa droga, at panatilihing malusog at malakas ang katawan.

Bilang Vice Chairperson naman ng Senate Committee on Health, dumalo rin tayo sa Philippine Medical Association – Davao del Norte Medical Practitioners Society, Inc. at ng Davao de Oro Medical Society 59th Joint Induction and Turnover Ceremony sa Tagum, Davao del Norte nitong June 23. Congratulations po sa mga bagong officers!

Kasama sina Lupon Vice Mayor Atty. Chrence Go at Provincial Board Member Don Montejo, personal din tayong nagtungo sa Davao Oriental upang magpaabot ng tulong sa iba’t ibang sektor. Tinulungan natin ang mga TODA members sa San Isidro, mga vendor at Muslim group sa Lupon, gayundin ang mga barangay workers sa Banaybanay. Sa araw ding iyon, nakiisa rin tayo sa inagurasyon ng Super Health Center sa Maco, Davao de Oro, sa paanyaya ni Mayor Voltaire Rimando.

Samantala, noong nakaraang linggo, nagpaabot din ng tulong ang ating Malasakit Team sa iba’t ibang kababayan nating nangangailangan, kabilang ang agarang pag-alalay sa mga nasunugan sa Roxas City, Capiz; Ormoc City, at Abuyog, Leyte; at Taguig City.

Bukod dito, naabutan din ng tulong ang mga residente na naapektuhan ng nakaraang lindol mula sa Maasim at Malungon sa Sarangani Province; at Koronadal City sa South Cotabato.

Tandaan natin, minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na pwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito.

Ako ang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy na nagseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko na ang magserbisyo at ako po ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo po yan sa Diyos.