Naghain ng “not guilty” plea si Uswag Ilonggo Party-list Rep. James “Jojo” Ang sa dalawang bilang ng kasong graft laban sa kanya sa Sandiganbayan Sixth Division nitong Martes, Setyembre 1.
Nahaharap si Ang, tinaguriang “cong-tractor”, sa 14 bilang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Sandiganbayan, kung saan dalawa ang na-raffle sa Sixth Division.
Batay sa impormasyong binasa sa arraignment, inakusahan si Ang na may “direct and/or indirect financial interest” sa mga kontrata ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Allencon Development Corporation na nagkakahalaga ng P8.18 milyon at P16.079 milyon.
Umaabot umano sa 500 ang shares ni Ang sa naturang kompanya.
Iginiit ng mga prosecutor na labag ito sa Article VI, Section 14 ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa mga mambabatas na magkaroon ng pinansiyal na interes sa mga kontrata o pribilehiyong ipinagkakaloob ng gobyerno. (Angelika Cabral)









