Dalawa ang patay, kabilang ang babaeng suspek, matapos umano itong manghalibas ng saksak sa mataong Times Square sa New York, USA noong Lunes.
Ayon kay New York Mayor Zohran Mamdani, isa rin ang nasugatan sa insidente at nasa maayos na aniya itong kalagayan sa ospital.
Sa ulat, binaril at napatay ng mga pulis ang babaeng suspek matapos umano nitong atakihin ang mga opisyal habang may hawak na dalawang kutsilyo.
Dinala sa ospital ang suspek pero binawian din ito ng buhay.
Patuloy ang imbestigasyon ng New York Police Department sa insidente. Hindi naman itinuturing ng mga awtoridad na may kaugnayan sa terorismo ang pananaksak.









