Umabot na sa 34 katao ang nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng mga bagyong “Luis”, “Maymay”, “Neneng” at habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa ulat ng OCD kahapon, Benguet ang may pinakamaraming nasawi na umabot sa 15.
Apat naman ang naitalang nasawi sa Rizal at Batangas, tatlo sa Caloocan at tig-dalawa sa Quezon at Occidental Mindoro.
Tig-iisang fatality naman ang naitala sa La Union, Pangasinan, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Bukod dito, 19 katao ang nasugatan at tatlo pa ang nawawala.
Umabot naman sa 9.1 milyong katao o 2.6 milyong pamilya ang naapektuhan ng mga weather disturbance sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan 135,905 katao o 39,386 pamilya ang kasalukuyang nanunuluyan sa 1,255 evacuation centers.
Tinatayang 3,700 bahay ang napinsala at umabot na sa P6.27 bilyon ang pinsala sa imprastraktura, habang nasa P2.32 bilyon naman ang pinsala sa agrikultura.
May kabuuang 678 lugar ang naitalang binaha. (Angelica Malillin)









