Ginamit umano ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng panunungkulan ni dating Secretary Sara Z. Duterte ang inisyung certificate ng Philippine Army (PA) sa liquidation ng ginastos na P15.54 milyong confidential fund, ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong nitong Martes.
Sa nasabing sertipikasyon, pinatotohanan dito na may ginawang Youth Leadership Summit ang PA pero hindi nakasaad ang pangalan ng informer, reward payment o naestablisa na ang confidential fund ang ginamit na pondo sa event.
“Isa lang po ang puwedeng ma-draw as a conclusion from the testimony of Colonel Boransing: nabudol po ang AFP,” diin ni Adiong sa press conference pagkatapos ng Day 20 ng impeachment trial ni Duterte.
Tumestigo si Col. Manaros M. Boransing II at ipinaliwanag na ang Jan. 1, 2024 certification niya ay naka-record ang walong Youth Leadership Summits (YLS) at 53 Information Education Campaign na isinagawa ng 1st Infantry “Tabak” Division sa iba pang stakeholders noong 2023.
Kinumpirma rin ni Boransing na walang inilabas o ipinadalang pondo ang DepEd sa kanyang division para sa nasabing aktibidad.
Sa pagkakaintindi ni Boransing, isang routine certification ng partisipasyon lamang ang dokumento at nalaman lamang niyang ginamit ito sa pagsagot sa Commission on Audit (COA) noong humarap siya sa imbestigasyon ng Kamara de Representantes noong Oktubre 2024.
“Nabudol ang AFP dahil hiningan sila ng certification na ang paggamit noon ay i-justify nila sa COA,” wika ni Adiong.
Inilakip ng DepEd ang Army certifications noong Abril 17, 2024 bilang tugon sa COA Audit Observation Memorandum No. 2024-015. Hinihi¬ling sa AOM ang mga dokumento na susuporta sa reward umanong P15.54 milyon para sa umano’y tagumpay na information-gathering o surveillance.
“The certificate only proves that there was a summit that was conducted. There was such an event that happened on that particular date,” paliwanag ni Adiong.
“It did not prove anything as to the utilization of confidential funds. It did not prove anything that the reward was made during that event,” diin pa niya.
Sinabi naman ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na ang hindi nagtutugma na mga dokumento at financial claim ay nagpapatunay ng misrepresentation sa liquidation ng DepEd.
“Ang isang certificate na hindi naman ibig sabihin na nagkaroon ng direct expense ang Office of the Secretary of Education ay ginamit bilang ebidensiya ng liquidation,” punto ni Acidre. (Bernard Taguinod/Dindo Matining)









