IPINAMALAS ni Mar Jana Phillips ang itinatagong liderato upang itulak ang Nxled Chameleons sa pagtatala sa matinding upset sa defending champion PLDT High Speed Hitters, 25-19, 25-22, 25-20, upang makabalik sa kontensiyon sa labanan sa titulo ng ginaganap na 2026 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Araneta Coliseum, Martes.
Ibinuhos ng middle blocker na si Phillips ang kabuuang 13 puntos mula sa walong attacks, isang block at apat na aces na sinandigan ng Chameleons sa pagwawalis nito sa High Speed Hitters para itala ang unang panalo matapos malasap ang kabiguan sa una nitong laro.
“I think after yesterday’s game, we put in a lot of work. We just wanted to showcase to everyone how much we’ve put in over the last couple of weeks, and thankfully, it showed out here today,” sabi ni Phillips, na nakamit ang pagkilala bilang Player of the Game sa inabot ng 90-minutong laban.
Kinumpleto ng matulis pumalo na middle blocker ang kanyang mahusay na pagganap gamit ang apat na aces, kabilang ang dalawang magkasunod na serves na tumama sa tuktok ng net bago bumagsak sa bakanteng espasyo sa PLDT court.
Mukhang handa nang pahabain ng PLDT ang laban matapos umangat sa 16-14 na lamang.
Ngunit lumabas ang Nxled mula sa timeout nang organisado, umiskor ng dalawang mabilis na puntos upang itabla ang iskor bago sinamantala ang isang matagumpay na block challenge na nagpasiklab ng isang mapagpasyang takbo at halos dinurog ang High Speed Hitters.
Tumulong si Myla Pablo na bumawi sa kanyang pitong puntos na ipinakita laban sa Creamline na may 12 puntos habang si Lyaan De Guzman ay sumabog para sa 10 puntos matapos hindi makaiskor noong Lunes.
Samantala, nag-ambag si Jonah Sabete-Escamillan na may siyam na puntos matapos sumabog para sa 20 puntos laban sa Cool Smashers.
Ipinakita rin nina Pablo at De Guzman ang kanilang husay sa depensa na may tig-siyam na digs, habang si Sabete-Escamillan ang nanguna sa likurang hanay na may 15 receptions. (Lito Oredo)












