PILIT na iiwasan ni World No. 18 Alexandra “Alex” Eala ang masilat sa unang round sa pagsagupa nito sa Amerikanang si World No.122 Mary Stoiana sa round of 128 ng panghuling Grand slam sa taon na 2026 US Open na gaganapin sa Flushing Meadows sa New York City ngayong Miyerkoles ng umaga (oras sa Pilipinas).
Hindi nagpapaka-kampante ang No. 17 seed na si Eala sa kanyang unang laban sa muling pagsabak sa torneo na nagtulak sa kanya sa kabuuan ng WTA Tour, sa pangalawang pakikipagkita nito kay Stoiana na patuloy ang pagpapakita ng husay sa pag-abot sa una nitong pagpalo sa main draw ng US Open.
Bitbit ng 21-anyos at 2026 Mubadala City Open champion na si Eala ang bentahe bunga ng malakas nitong kampanya sa nakalipas na torneo papasok sa US Open at handa na para sa isang matinding hamon sa Grand Slam sa pagharap sa qualifier na si Stoiana.
Unang nanalo si Eala sa kanilang paghaharap, 7-5, 6-2, sa Landsville Open sa main draw noong 2024.
Gayunman, lubhang mapanganib ang 23-anyos na si Stoiana sa unang pagkakataon na nakatuntong sa huling grand slam ng taon.
Bitbit nito ang kabuuang 33 panalo at natalo ng 22 beses matapos nitong magawang magwagi sa tatlong laban sa qualifying round tungo sa pakikipagtapat kay Eala.
Si Stoiana ay itinanghal 2024 ITA National Player of the Year, nagwagi ng Honda Sports Award at NCAA Tournament MVP.
Tinulungan niya ang Texas A&M na makuha ang unang NCAA women’s tennis national championship bago niya tinapos ang kanyang karera sa kolehiyo na may hindi kapani-paniwalang 138–20 singles record.
Ang mananalo ay makakapasok sa ikalawang round kung saan makakaharap ang mananalo naman sa pagitan nina Oleksandra Oliynykova at wild card na si Reese Brantmeier.
Kasama sa bracket ni Eala ang malapit na kaibigan at No. 14 seed na si Iva Jovic, na magbubukas laban kay Magdalena Frech, at si Magda Linette, na makakaharap din ang isang qualifier.
Kailangan ni Eala na manalo ng tatlong sunod na laban upang posibleng makapag-set up ng showdown laban sa fourth-seeded na si Coco Gauff.
Ang Flushing Meadows ay isang espesyal na lugar sa karera ni Eala, dahil nakuha niya ang kanyang unang Grand Slam main-draw win sa kanyang debut sa US Open noong nakaraang taon.
Natalo ng Filipino tennis ace ang Danish player na si Clara Tauson, 6-3, 2-6, 7-6(11), upang makuha ang kanyang unang panalo sa US Open bilang isang propesyunal noong 2025. (Lito Oredo)












