Ibinunyag ni dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co na napunta lahat kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez ang P56 bilyong kickback mula sa mga maanomalyang flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan.
Ginawa ni Co ang pagsisiwalat sa ikatlong yugto ng kanyang video na ipinost sa kanyang Facebook account nitong Linggo, Nobyembre 16.
Sinabi ni Co na marami pa siyang handang isiwalat.
Ayon kay Co, mali ang datos na ibinahagi nina dating DPWH Bulacan Engineers Henry Alcantara at Brice Hernandez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), kung saan tinatayang aabot sa P21 bilyon ang posibleng kickback na natanggap umano niya.
“Ang sinasabi nilang halaga sa ICI ay P21 billion, hindi po totoo ‘yan. Ang totoong numero ay P56 billion at ‘yun pong halaga na ‘yan ay kay Pangulong Bongbong Marcos at Martin Romualdez napunta lahat,” wika ni Co.
Ibinahagi ni Co na mayroong banta sa kanyang buhay.
“Ilalabas ko po ang buong detalye sa darating na mga araw. Kaunting pasensiya pa po. Sana po ay hindi nila ako mapatay bago ko mailabas ang lahat,” ayon sa kanya.
Sa isang pagpupulong umano noong Marso 25, mayroon ng parinig na pagbabanta sa kanyang buhay si Romualdez.
“Darami rin ang banta sa buhay ko at ng aking pamilya. March 2025 pa lang si Speaker ay nagpaparinig na sa akin sa aming meeting that he will shoot me if I will talk,” sabi ng dating mambabatas.
“At pagkatapos niyang sabihin sa akin in a phone call na ‘don’t come home we will take care of you’ tumawag ulit si Speaker Martin at sinabihan niya ko na `pag umuwi ako will be dangerous kasi they may hire someone to do a rubout on me or hire the police to kill me while in jail,” dagdag pa ni Co.
“Ginawa ko lang ang utos sa akin pero ngayon handa na akong harapin ang lahat. Ginagamit ng administrasyon ang buong resources ng bansa para tumahimik ako. Gagamitin ako bilang panakip-butas sa kanilang kampanya laban sa korapsiyon,” pahayag ni Co.
Iginiit niya na wala siyang kinita sa P100 bilyong budget insertion at dumaan lamang ang pera sa kanya.
“Uulitin ko po `yun pong pera, wala pong napunta sa akin. Dumaan lang po ang pera sa akin para ideliver kay Speaker Martin Romualdez at Pangulong Marcos. Salamat sa inyong pang-unawa,” dagdag pa ni Co. (Issa Santiago/Billy Begas)









