Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis na nagbabantay sa mga kilos-protesta kontra katiwalian na huwag abusuhin ang kanilang kapangyarihan laban sa mga sibilyan.
Ayon kay Nartatez, hindi sinanay ang mga pulis para lang gamitin ang kanilang awtoridad sa pananakot at pananakit sa mga sibilyan.
“That is not what we are trained for — and that is not who we are as proud members of the Philippine National Police,” wika ng PNP chief.
Pinaalala ni Nartatez sa mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance at hangga’t maaari iwasan gumamit ng dahas maliban aniya kung kinakailangan nang gawin ito laban sa mga baluktot mag-isip na parte ng freedom of expression ang karahasan.
Biyernes (Nobyembre 14) pa lang nang itaas ng PNP ang highest alert status nito para sa tatlong araw na prayer rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Rizal Park. May hiwalay ding kilos-protesta ng United People’s Initiative sa Quezon City. (PNA)









