Mahigit kalahating milyon na ang bilang ng mga taong dumagsa sa Quirino Grandstand sa Rizal Park o mas kilalang Luneta sa lungsod ng Maynila kaugnay ng kilos-protesta na inilunsad ng Iglesia Ni Cristo (INC) laban sa mga katiwaliang nabunyag sa gobyerno.
Mas mataas umano ito kumpara sa humigit-kumulang 50,000 na nakiisa sa “Trillion Peso March” na ginanap kasabay ng ika-53 taong anibersaryo ng deklarasyon ng martial law noong Setyembre 21.
Punong-puno ang Quirino Grandstand at halos maging kulay puti ang paligid dahil sa mga nagkakaisang nagsuot ng puting T-shirt na may temang “Transparency for a Better Democracy”.
“As of 06:00 PM (Linggo, Nobyembre 16) umabot na sa 650,000 ang tinatayang bilang ng mga taong dumagsa sa Quirino Grandstand para sa peace rally na inorganisa ng INC,” ayon sa monitoring ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sabi ni Brother Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC, welcome ang kahit sino, miyembro man o hindi ng INC, na makiisa sa rally. (Issa Santiago)









