Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyakin na ang lahat ng proyektong pang-imprastraktura ay alam ng mga kinauukulang local government units (LGU) upang maiwasan ang korapsiyon at masigurong tumutugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Binigyang-diin ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na ang lahat ng panukalang proyekto para sa 2027 national budget ay dapat suriing mabuti at magkaroon ng koordinasyon o alam ng mga LGU.
“Maraming cases ngayon na `yung mga project bigla na lang sumusulpot sa kanilang lugar pero hindi alam ng mga LGU,” ipinunto ng senador.
Binigay na halimbawa ni Gatchalian ang bilyon-bilyong pisong flood control projects sa Oriental Mindoro na hindi alam ng mga lokal na opisyal.
Sinabi ni Gatchalian na dapat konsultahin muna ang mga LGU bago pa man isama ang isang proyekto sa National Expenditure Program (NEP), ang detalyadong plano ng sangay ng ehekutibo sa paggastos ng pera ng taumbayan.
Nakapagtataka rin aniya na ang mga proyektong inindorso ng regional development councils (RDCs) sa ilalim ng Department of Economic Planning and Development (DEPDev) ay humigit-kumulang 35% lamang ng mga proyektong kasama sa NEP. (Dindo Matining)









