Kumpiyansa ang Malacañang na matatapos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang termino hanggang 2028.
Sa panayam ni Gerg Cahiles sa “Agenda Weekend” ng Bilyonaryo News Channel, iginiit ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang kasipagan ng Pangulo sa kanyang tungkulin.
“Sino naman pong hindi magiging confident kung ganyan naman po kasipag ang Pangulo natin?” ani Castro.
Tila nagpatutsada rin siya kay Vice President Sara Duterte, na dati na niyang pinasaringan kaugnay ng mga biyahe nito sa ibang bansa.
“Kaya nga ang tanong ko sa inyo, at sa lahat, sino bang pipiliin niyo, ‘yung nagtatrabaho o nagbabakasyon lang?” dagdag pa niya.
Ani Castro, malinaw umano sa mga militar at pulisya kung sino ang tunay na nagtatrabaho at sino lang ang naninira, at hindi umano gugustuhin ng mga ito na ibagsak ang gobyerno, kaugnay ng napapabalitang pagbawi ng ilang matataas na opisyal ng suporta sa Pangulo.
“Mas gugustuhin po ba nilang ibagsak ang gobyerno at ipalit ang mga taong may bahid ng korapsiyon? ‘Yung hindi makapag-explain sa kanilang confidential funds?” tanong niya.
“Parang hindi naman po ganyan ang mga uniformed personnel at officials. Meron naman po silang utak at isip na ginagamit,” dagdag pa ni Castro. (Angelika Cabral)









