Bibigyan ng malilipatan ang mga informal settler na maapektuhan ng gagawing paglilinis sa kahabaan ng Pasig River.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos pangunahan ang pagsisimula ng Pasig River Ur-ban Development Project sa Binondo, Maynila.
Sinabi ng pangulo na inatasan na niya si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jerry Acuzar na magtayo ng pabahay para sa tinatayang 10,000 informal settlers sa kahabaan ng Pasig River.
“Iniutos ko kay Sec. Jerry Acuzar ng DHSUD ang pabahay na tumutugon sa lahat ng antas ng pinansiyal na kakayahan. Gagawin natin ito sapagkat tama lang na kung sino ang malapit sa ilog, ang siyang unang dapat na mabiyayaan,” anang pangulo.
Kabilang sa paglilipatan sa mga maapektuhang informal settlers ay ang 25 ektaryang lupa sa Baseco, Tondo, Maynila at Lupang Arienda sa Rizal.
(Aileen Taliping)









