BINIGAY na ni Pampanga Gov. Dennis Pineda ang go-signal para maipagpatuloy ang PBA Philippine Cup sa lalawigan.
Hindi pa lang nagsabi ng target date ang liga kung kailan ang resumption.
Kung sakali, kanya-kanyang hanap ng matutuluyan ang 12 team.
Ayon kay PBA deputy commissioner Eric Castro, mayorya ng 12 ball clubs ay tutuloy sa Clark.
Noong isang taon, sa Quest Hotel sa loob ng Clark City tumuloy ang lahat ng teams at lahat ng laro ay sa Angeles University Foundation Gym.
Nilinaw ni Castro, operations chief din ng PBA, na babalik sa Ynares Sports Arena sa Pasig ang season-opening tournament kapag lumuwag ang quarantine classification sa Metro Manila at nawala ang restrictions.
Ayon sa IATF, puwede lang makapaglaro ang PBA sa mga lugar na mas maluwag ang quarantine level, tulad sa Pampanga na nasa GCQ.
Mula Aug. 4, tinigil pansamantala ang all-Filipino bilang tugon sa hakbang ng pamahalaan na mapigil ang pagkalat ng Delta variant. Tatagal hanggang Aug. 20 ang ECQ sa Big City. (Vladi Eduarte)












