Nasa ilalim umano ng matinding pressure sa pag-aaral at nakaranas ng depresyon ang estudyanteng suspek sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University (ADZU) noong Martes, ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Adan Olaso.
Ani alkalde, honor student ang suspek ngunit tila hindi nasiyahan sa kanyang mga grado at naghahangad pa umano ng mas mataas na marka.
Sinabi ng alkalde na posibleng isang guro ang target ng suspek dahil sa umano’y sama ng loob nito dahil sa kanyang grado.
Nang hindi umano tamaan ang guro na una niyang pinaputukan, lumipat ang suspek sa ibang classroom at nagpaputok muli, kung saan anim na estudyante ang tinamaan at nasugatan habang tinatangkang tumakas.
Nasawi sa insidente ang isang Grade 10 student na isa ring honor student, at ang suspek na ayon sa naunang ulat ay nagbaril sa kanyang sarili. Iniimbestigahan pa ang nasabing impormasyon.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng may kaugnayan sa insidente ang paglalaro ng Roblox ng suspek, partikular ang mga group chat sa platform, ngunit patuloy pa ang forensic examination sa mga gadget ng suspek.
Samantala, nasa loob umano ng sasakyan ang mga baril na ginamit sa krimen, at wala sa pag-iingat ng suspek kaya hindi ito nainspeksyon ng guwardiya sa gate. (Angelica Malillin/Edwin Balasa)












