WebClick Tracer

Bulkang Mayon muling nagpaulan ng abo

Patuloy ang pagpapakaba ng Bulkang Mayon sa mga residente sa paligid nito matapos na muli itong bumuga ng abo kahapon ng umaga.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivols), naitala ng Calbayog Observation Station gamit ang RasPi Camera at ng Ligñon Hill Observatory sa pamamagitan ng IP Camera ang panibagong ash emission bandang alas-9:00 ng umaga.
Umabot sa tinatayang 500 metro mula sa summit crater ang taas ng ash plume at tinangay ito ng hangin patungong east-northeast.
Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang patuloy itong nagpapakita ng abnormal na aktibidad.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ng ahensiya ang pagpasok sa loob ng 6 kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa paligid ng bulkan dahil sa panganib ng biglaang pagputok, rockfall, pyroclastic density currents at iba pang volcanic hazards.