Kanselado ang dapat sana’y rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), gagawin na lamang muna na parking area ng mga eroplano ang sana’y lokasyon ng Terminal 4 sa dating International Cargo Terminal upang mas maraming pasahero ang ma-accommodate.
Paliwanag MIAA General Manager Eric Ines, dumarami na kasi ang mga flight at pasahero sa NAIA kaya kailangang iprayoridad ang parking area ng mga eroplano.
Bagaman, nag-abiso na sa kanila “verbally” ang New NAIA Infra Corporation (NNIC), hindi pa aniya natatanggap ng MIAA ang opisyal na komunikasyon mula sa naturang kompanya.
Pero hanggang sa ngayon ay binibilisan na ang konstruksyon ng NAIA Terminal 5 sa ginibang Philippine Village Hotel, na inaasahang matatapos bago ang 2028.
Wala pang pahayag ang NNIC hinggil sa pagkansela ng rehabilitasyon. (Chill Emprido)









