Sinuspinde ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa National Capital Region (NCR) at 16 na lalawigan simula ala-1:00 ng hapon nitong Biyernes, Agosto 28.
Ayon sa Malacañang, ipinatupad ang suspensiyon batay sa Memorandum Circular No. 132 kasunod ng inaasahang paglakas ng habagat dahil sa isang low pressure area (LPA), alinsunod sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Bukod sa Metro Manila, saklaw rin ng suspensiyon ang mga sumusunod na lugar: Abra, Benguet, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Batangas, Cavite, Rizal, Oriental Mindoro, at Occidental Mindoro.
Nilinaw ng Malacañang na magpapatuloy ang operasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng basic at health services, disaster response at iba pang mahahalagang serbisyo upang matiyak ang patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng publiko.
Samantala, ang mga pribadong kompanya ay maaaring magpasya kung magsususpinde rin ng trabaho o magpapatupad ng alternatibong work arrangements para sa kanilang mga empleyado. (Ryan Reloban)









