Sinisiyasat na ngayon ng Land Registration Authority (LRA) ang pinagmulan at kasaysayan ng ilang bagong natuklasang land title na sumasaklaw sa hindi bababa sa 38.83 ektarya ng mga ilegal na reclamation area sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig City, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
“I requested them to backtrack the history of the issued OCTs (original certificates of title) and other modes of titling, so we will find out how they were manipulated with the end in view of filing criminal charges against those responsible,” sabi ni Lacson.
Batay sa kanyang paunang impormasyon, sinabi ni Lacson na inisyu ang mga OCT sa pamamagitan ng judicial/ordinary land registration habang ang iba naman ay sa pamamagitan ng homestead patents.
Idiniin ni Lacson na maaaring ideklarang void ab initio (walang bisa mula sa simula) ang mga titulong ito kapag sinimulan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) ang forfeiture proceedings alinsunod sa batas.
Nitong Miyerkules ng gabi, Agosto 27, sinabi ni Lacson na sinusuri na ng LRA ang materyales galing sa PRA para makita kung may naisyu na titulo ng lupa para sa na-reclaim na bahagi ng Laguna Lake.
Sinabi rin ni Lacson na ilang crate ng mga dokumento mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kaugnayan sa mga maanomalyang proyekto sa Taguig City ang nakatakdang i-turn over sa Office of the Ombudsman.
Ang pinakabagong batch ay karagdagan sa mga documentary evidence na nauna nang isinumite ni Lacson at ng kanyang team sa Ombudsman kaugnay ng kanilang imbestigasyon sa mga maanomalyang infrastructure at reclamation project sa Taguig City.
Nagsasagawa na ang Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga proyekto sa Taguig at naglabas na ito ng mga subpoena sa DPWH, PRA, LRA at Taguig Registry of Deeds para sa mga kaugnay na rekord. (Dindo Matining)









