Ipinag-utos ng Sandiganbayan Third Division ang paglilipat kay dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa Philippine General Hospital (PGH) alas-10:00 nang umaga ngayong Sabado, Setyembre 12, para sa isang independent medical examination.
Isasagawa ang pagsusuri upang malaman kung kailangan pang manatili ni Romualdez sa ospital. Gagawin ang medical checkup ni PGH Director Dr. Gerardo Legaspi o ng kanyang awtorisadong kinatawan.
Inatasan din ng anti-graft court ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ihatid si Romualdez sa PGH sakay ng ambulansya.
Isusumite sa Sandiganbayan ang resulta ng pagsusuri kay Romualdez at ipipresenta ito ng korte sa darating na Lunes, Setyembre 14.
Inatasan din ang ospital na magsumite ng daily medical report tungkol sa kondisyon ng mambabatas. Mananatili si Romualdez sa PGH hanggang maglabas ng bagong kautusan ang Sandiganbayan.
Samantala, nakakaranas umano ng anxiety-depressive disorder si Romualdez, ayon sa kanyang psychiatrist na si Dr. Lourdes Ignacio nang humarap ito sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division kaugnay ng petisyon ng mambabatas para sa hospital arrest.
Nang tanungin naman ang abogado ni Romualdez na si Atty. Ade Fajardo kung ano sa tingin niya ang magiging reaksyon ng kanyang kliyente sa kautusan ng anti-graft court, sinabi nito na, “This was a true heartbreak moment even the issuance of the warrant of arrest was a heartbreak moment kahit sino naman siguro, mayaman, mahirap, mataas ang posisyon, simpleng taon, magkakaroon ng ganyang heartbreak.”
Nagbabala naman si Dr. Rody Sy, cardiologist ni Romualdez, na may panganib umano sa ngayon ang paglipat sa kongresista sa ibang ospital na walang sapat na pasilidad.
Ayon kay Sy, kinakailangang may MRI at angiography facilities ang lilipatang ospital at kayang magbigay ng agarang lunas sa loob ng isang oras dahil sa kondisyon sa puso ni Romualdez.
“He (Romualdez) has a coronary condition. If he develops an acute episode or attack, he will need angiographic facilities within one hour,” aniya.
Sabi pa ng doktor, hindi rin stable ang kondisyon ni Romualdez kaya may panganib ang paglipat sa kanya sa ibang pasilidad sa kasalukuyan.
Sinabi ito ni Sy sa ikalawang araw ng pagdinig ng Sandiganbayan nitong Biyernes kaugnay ng kahilingan ni Romualdez na manatili sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City. (John Riz Calata/Jet Hilario/Issa Santiago)









