WebClick Tracer

BEBOT TUMANGGING MAGPAUTANG, INUTAS NG PINSAN

Nasawi ang isang 21-anyos na babae matapos umano siyang sakalin ng kanyang pinsan na tinanggihan niyang pautangin ng P5,000 sa Barangay Sto. Cristo, San Antonio, Nueva Ecija.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang biktima sa kanyang bahay pasado alas-10:30 ng umaga noong Linggo nang bisitahin siya ng isa pa niyang pinsan.

Noong una, inakala ng pamilya na nagbigti ang dalaga.

Gayunman, lumabas sa isinagawang awtopsiya na posibleng sinakal ang biktima.

Batay sa imbestigasyon, dumalaw umano ang suspek sa bahay ng biktima upang mangutang ng P5,000.

Nauwi umano sa pagtatalo ang kanilang pag-uusap nang hindi niya ito nabigyan ng pera.

Matapos ang insidente, kinuha rin umano ng suspek ang cellphone ng biktima at tumakas.

Natukoy ang suspek matapos siyang ituro ng isang saksi na huling nakitang pumunta sa bahay ng biktima. Naaresto siya ng mga pulis at narekober din ang cellphone ng biktima.

Ayon sa pulisya, umamin umano ang suspek sa krimen. Nasa kustodiya na siya ng San Antonio Police Station at nahaharap sa kasong murder.