Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 4-anyos na batang lalaki matapos siyang masawi nang gilitan ng kanyang ina na umanoý dumaranas ng karamdaman sa pag-iisip, noong Linggo ng umaga sa Barangay Surgui 1st, Camiling, Tarlac.
Ayon sa asawa ng suspek, may problema umano sa pag-iisip ang kanyang misis pero hindi pa ito napapatingin sa espesyalista dahil sa kakulangan nila sa pera.
Sinabi ni Lt. Col. Elogio Lamqui III, Acting Chief of Police ng Camiling Police Station na nagtaka ang asawa ng suspek nang maabutan niyang walang tao sa kanilang bahay nang umuwi siya galing sa trabaho bandang alas 11:00 ng umaga.
Lumabas aniya ito ng bahay at nagulat siya nang makita niya ang duguang anak na may takip ng kumot sa tabi ng kanilang bahay.
Ani Lamqui, iniuwi ng lalaki ang anak at naabutan ang asawa niya rito. Nang makita umano siya ng suspek, agad itong kumaripas ng takbo.
Samantala, sinabi ng 8-anyos na kapatid ng biktima na bago ang insidente ay inutusan siya ng suspek na bumili sa tindahan. Pagbalik niya sa bahay, bigla umanong hinaltak ng suspek ang biktima at sinaksak sa leeg.
Sa takot na siya ang isunod ng ina, tumakbo umano siya pero hindi siya nagsumbong kanino man.
Sa tulong ng barangay, nadakip ng mga awtoridad ang suspek habang nagtatago ito malapit sa kanilang bahay.












