Ginunita kahapon sa New York ang ika-25 anibersaryo ng pag-atake noong Setyembre 11, 2001 na ikinasawi ng 2,977 katao sa magkakahiwalay na pag-atake sa World Trade Center, Pentagon at Pennsylvania.
Isinagawa ang seremonya sa Ground Zero sa Lower Manhattan, kung saan binasa ng mga kaanak ang pangalan ng lahat ng nasawi at pinatunog ang kampana bilang paggunita sa mahahalagang sandali ng pag-atake.
Dumalo sa seremonya sina US Vice President JD Vance at mga dating Pangulong George W. Bush, Joe Biden, Barack Obama at Bill Clinton.
Hindi naman nakibahagi si US President Donald Trump sa seremonya sa New York at sa Pentagon siya nagtungo upang magbigay-pugay.
Naging sentro rin ng kontrobersiya ang pagdalo ni New York Mayor Zohran Mamdani, ang unang Muslim na nahalal na alkalde ng lungsod.
Nauna rito’y may ilang konser¬batibong grupo at perso¬nalidad na nanawagan na huwag siyang dumalo sa seremonya.
Samantala, pinaigting ng mga awtoridad ang seguridad sa paligid ng 9/11 Memorial and Museum, kabilang ang paglalagay ng anti-drone team.
Ito’y sa kabila ng pahayag ng New York Police Department na wala silang natatanggap na impormasyon tungkol sa partikular na banta sa pagtitipon.
Sa paglipas ng 25 taon, patuloy pa ring iniuugnay sa 9/11 ang pagkamatay ng libo-libong katao dahil sa mga sakit na dulot ng pagkalantad sa usok at nakalalasong alikabok matapos gumuho ang World Trade Center.









