Naghain ng disbarment complaint ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Supreme Court (SC) laban kay dating congressman Jacinto “Jing” Paras at apat na abogado na umano’y sangkot sa planong sex scandal laban kay Executive Secretary Ralph Recto.
Kabilang sa mga abogadong inireklamo sina Atty. Ruy Rondain, Orlando Mendiola, Patrick Criaga at Josemilio Manuel Apostol.
Ayon sa NBI-National Capital Region, ang apat na abogado umano ang naghanda ng script at mga affidavit na gagamitin ng apat na babaeng artistang sinasabing kinuha para siraan si Recto.
Nauna nang inirekomenda ng NBI sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong qualified human trafficking laban sa mga nasasangkot, kabilang sina Paras, Batangas Rep. Leandro Leviste at talent manager Lito de Guzman.
Itinanggi naman nina Paras, Leviste at ng apat na abogado ang mga alegasyon laban sa kanila.
Tinawag ni Paras na bahagi ng umano’y “oppression and harassment” ng administrasyong Marcos ang disbarment complaint laban sa kanila.
Aniya, mananaig ang katotohanan at hindi umano makokontrol ng NBI ang SC at Integrated Bar of the Philippines. (Ryan Reloban)









