Pumalag ang Office of the Ombudsman sa pahayag ng kampo ni Leyte Rep. Martin Romualdez na ang pagbaligtad ng ilang “Maleta Boys” at ng dating security aide ni ex-congressman Zaldy Co na si Orly Guteza ay nagpapahina sa inihahanda nilang kaso laban sa dating lider ng Kamara de Representantes.
Ayon sa Ombudsman, ang pagbawi ng testimonya ay hindi nagsisilbing “eraser” o pambura sa mga naunang pahayag ng mga testigo.
Sa halip ay itinuturing umano ito na dagdag na ebidensiya kung saan ang dalawang magkasalungat na pahayag ay paghahambingin at susuriin para matukoy kung alin sa mga ito ang totoo.
Isa rin umano itong malinaw na indikasyon na mayroong kasinungalingan sa isa sa mga ibinigay na salaysay.
Nanindigan ang Ombudsman na dapat imbestigahan kung alin sa mga pahayag ang tunay na pinanindigan ng mga saksi.
Kinuwestiyon din ng Ombudsman kung bakit nagtago umano ang mga bumaligtad na testigo, gayundin ang kumakalat na mga ulat na may mga nagaganap umanong bayaran para himukin ang mga bumaligtad na saksi.
Nagbabala ang Ombudsman na may mga indibiduwal na nagnanais lituhin ang publiko tungkol sa tunay na kahulugan ng pagbaligtad ng mga testigo. (John Riz Calata)









