Ipinatigil ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tinatayang 200 flood control project sa Bulacan matapos itong mabahiran ng anomalya.
“Sabi nila walang magi¬ging budget ang flood control itong taong ito, 2026,” paglalahad ni Bulacan Gov. Daniel Fernando sa programang “Memo with Korina” sa Bilyonaryo News Channel nitong Lunes, Agosto 10.
Aniya, ang mga natuloy lamang na proyekto ay yaong mga matitinong proyekto na napondohan at nasimulan na ang kons-truksiyon.
Nanindigan pa si Fernando na sa mga nakalipas na taon, naging bagsakan ang Bulacan ng mga “ghost project” ng politiko kung saan hindi ito nalalaman ng provincial government at maging ng mga mayor at kapitan ng barangay.
Dapat umanong managot ang mga taong sangkot sa mga “ghost project” at substandard na flood control project sa kanilang lalawigan.
“Kailangan silang kasuhan tungkol diyan. Hindi naman puwedeng basta-basta gawing kumbaga laruan ang Bulacan,” giit ni Fernando.
Inirekomenda na umano niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtatayo ng Coastal Road Flood Control project. Kasama umano sa nagtutulak ng proyektong ito ang mga gobernador ng Bataan at Pampanga.
Bumalangkas na rin ng executive order si Fernando kung saan hindi nila papayagan ang anumang proyekto ng mga senador, kongresista o ng DPWH kung walang basbas ng kapitan ng barangay, mayor at gobernador.
“Nag-create ako ng executive order regarding diyan na hindi sila makakagawa ngayon ng mga project na hindi dadaan sa amin at hindi namin malalaman,” ani Fernando.
Ang Bulacan ay tinaguriang sentro ng flood control scam dahil dito umano binuhos ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at ibang politiko ang mga proyekto sa tulong ng mga kakuntsaba sa DPWH.
Kabilang ang Bulacan sa pinalubog ng baha dahil sa nagdaang dalawang bagyo at sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Ilan sa politikong nakaladkad sa flood control project sa Bulacan ay si Senador Jinggoy Estrada. Inakusahan siya ni da-ting DPWH Bulacan first district assistant engineer Brice Hernandez ng pagpasok ng P355 milyong¬ flood control project sa Hagonoy at Malolos kapalit umano ng 30% kickback. Itinanggi naman ni Estrada ang alegasyon pero nakakulong ito nga¬yon sa New Quezon City Jail sa Payatas.
Si dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. ay kinasuhan naman ng malversation of public funds kaugnay ng P92.8 milyong flood control project sa Bulacan na natuklasan umanong walang ipinagawa roon.
Nakulong ng ilang buwan si Revilla pero kamakailan lamang ay pinayagan ng Sandiganbayan ang petition for bail nito.









