Masusing sinisiyasat ngayon ng Office of the Ombudsman ang pagharang umano ng dalawang miyembro ng pamilya Villar sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Extension Project sa Cavite.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, nakarating sa kanilang impormasyon na gusto umano ng mga Villar na dumaan sa kanilang property ang proyekto at kung hindi ay kokontrahin nila ang extension ng proyekto hanggang sa Cavite.
“Dapat diyan umabot na sa Cavite iyan. kaya lang ang naging kuwento, were still determining kung totoo o hindi, eh meron talagang senador, two senators basta ‘yung mga Villar, were going against the alignment. Gusto nila dumaan sa lupa nila. We’re investigating this kung totoo o hindi,” paglalahad ni Remulla sa kanyang radio program nitong Sabado.
“Gusto nila idaan sa C5 kung saan may lupa sila,” wika ni Remulla.
Aniya, ipinahahanap na niya ang mga dokumento na tutumbok sa pangalan ng mga Villar hinggil sa pagkontra sa LRT-1 Extension Project kung hindi dadaan sa kanilang property.
“We’re investigating that. We’re looking at the exchange of communications ng mga department,” ani Remulla. “Kasi nga real estate play, gusto nila tamaan ‘yung lupa nila.”
Ibinunyag din ni Remulla na ang mga Villar din ang kumokontra sa panukala sa Senado patungkol sa mass transit authority at sa Land Use Act.
“Kaya nga ang mass transit authority is a big question kasi nga sa Senado pa lang may dalawang ka na na lalaban sayo. Ayaw nila. Sila rin ‘yung ayaw sa Land Use Act, ayaw rin nila,” paglalahad ni Remulla.
“Tama na. Sana ‘yung greed ma-moderate naman,” giit pa niya.
Hindi binanggit ni Remulla kung sinong mga Villar ang tinutukoy niya. Ang mga Villar na kasapi ngayon ng 20th Congress ay sina Mark at Camille Villar. Sina Mark, Camille at Manuel Paolo Villar III ay mga anak ng mag-asawang dating Senate President Manny Villar at Senadora Cynthia Villar.
Wala pang pahayag ang mga Villar sa akusasyon ni Remulla.









