Pinahuli at pinakasuhan ni Cainta Mayor Kit Nieto ang mga indibiduwal na nagkakalat ng basura sa Ortigas Avenue Extension matapos ang paulit-ulit na paglabag.
Sa isang post sa Facebook, sinabi ng alkalde na bukas ang kanyang tanggapan sa mga nangangailangan pero hindi na niya maaaring palampasin ang perwisyong dulot ng mga taong nagkakalat para makapangalakal ng basura saka ibebenta.
“Lagi ko namang iniintindi na humahanap kayo ng pagkakakitaan… kaya nga ‘pag lumapit kayo sa opisina ko, ‘di kayo lalabas nang wala akong binigay na tulong ‘di ba… pero sana, naiisip n’yo rin ang perwisyong ginagawa n’yo dahil gusto n’yo lang kumita,” ani Nieto.
Sinabi ni Nieto na kailangan nang tapusin ang ganitong gawain kaya ipinahuli ang mga responsable noong Abril 19.
Nag-alok din siya ng posibleng trabaho bilang barangay tanod sa mga nahuli, kung saan maaari silang tumulong sa paghuli ng iba pang lalabag sa tamang pagtatapon ng basura. (Issa Santiago)












