Kaysa mapahamak at mamatay umano sa masamang bisyo, pinili ng isang babae na ipakulong ang kanyang kapatid na lulong sa shabu sa Pateros.
Hindi nag-atubili si Ruby Baiza na isuplong ang kapatid na si Manuel, 27-anyos, ng Brgy. Agoho, Pateros nang magwala ito sa kanilang compund at nagtangkang mamukol ng malalaking bato habang lulong sa iligal na droga alas-5:30 Martes ng hapon.
Hinihinalang bumatak pa umano uli ito nang madatnan ng mga barangay tanod at mga miyembro ng Taguig City Police sa kanyang bahay dahil sa mga hawak na paraphernalia tulad ng limang piraso ng aluminum foil, dalawang disposable lighter at tatlong maliliit na transparent plastic sachet na may bakas pa ng mga puting crystalline substance na hinihinalang shabu.
Ayon kay Ruby, mas makabubuting makulong ang kanyang kapatid kaysa mapahamak pa ito kung kaya’t siya na mismo ang nagsumbong para madakip ito.
Sasampahan si Baiza ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Mia Billones)












