HAHARAPIN nina Julia Melissa ‘Jia’ De Guzman at Alas Pilipinas Women ang siyam na beses na kampeong Tsina at hindi pa nawawala sa bawat finals ng women’s volleyball ng kada apat na taong Asian Games simula noong 1978.
Gayunman, sinabi ng kapitan ng Alas Pilipinas na si Jia na ang koponan ay nakakaramdam ng pananabik sa halip na takot, at niyayakap ang pambihirang pagkakataon na makakasagupa ang isang higanteng koponan.
Ang misyong pantayan ang kahanga-hangang ikaapat na puwesto na natapos ng 1962 Philippine team ay magsisimula ngayon, Miyerkiles, Setyembre 16, habang ang Alas Women Pilipinas ay makakalaban ang matayog na Chinese squad sa pagsisimula ng kompetisyon ng volleyball sa ika-20 Asian Games Aichi-Nagoya 2026.
Ang oras ng laro ay nakatakda sa 1pm (oras sa Pilipinas), kung saan ang Nationals ay mangangailangan ng isang himala kung nais nilang gibain ang “Great Wall” sa Okazaki Sogo Park Gym sa Okazaki.
Una, ang mga Tsino ay sabik na tubusin ang kanilang sarili matapos matalo sa Thais sa kamakailang Asian Volleyball Confederation Continental Cup na ginanap sa Tianjin, China.
Ang kanilang nakakadurog pusong 2-3 kabiguan (20-25, 25-11, 25-23, 18-25, 10-15) sa mga Thai, ay inaasahang lalong magbibigay sa kanila ng karagdagang motibasyon upang pahabain ang kanilang pagrereyna sa kontinental na palabas.
Nangibabaw ang mga Tsino sa torneo sa nakalipas na siyam na edisyon, at sa labanan ngayong taon, wala silang ibang hangad kundi isa pang ginto upang mabawi ang kanilang pagkatalo sa Continental Cup.
Tiwala ang Nationals, kabilang ang kanilang Japanese coach na si Taka Minowa, na kaya nilang takutin ang mga Tsino, bagama’t ibang kuwento ang pagkatalo sa kanila.
“We are mentally ready to face the Chinese. We’ll try our very best,” sabi ni Minowa, kasama ang asawang Pilipina na si JaJa Santiago.
Pilit diin iiwas na hindi maranasan ng Nationals ang kapalaran ng Gilas, na tinalo ng mga Tsino ng 44 puntos (105-61).
Kung matatalo ang Nationals sa China, kailangan nilang talunin ang Kazakhstan sa Huwebes para makaabante sa quarterfinals at magkaroon ng pagkakataong mapantayan ang kahanga-hangang ikaapat na puwesto ng 1962 PH team. (Lito Oredo)












