KAKAIBANG apoy ang nasa puso at isipan ni Julia Melissa ‘Jia’ Morado de Guzman na kanyang bibitbitin sa muling pagseserbisyo sa pambansang koponang Alas Pilipinas Women sa 33rd Southeast Asian Games na gaganapin sa Bangkok at Chonburi sa Thailand.
Hindi lamang ang matagal na panahong pagkauhaw sa gintong medalya ang nais putulin nina De Guzman at ng Alas kundi pati na ang mahabang panahon na napag-iiwanan ang bansa ng mga karatig nitong nasyon na una na nitong dinomina pagkalipas ng 1993.
Dadalhin din ni De Guzman ang asam at pag-asa ng bansang mahilig sa volleyball sa pangunguna nito sa 14-katao na Alas Pilipinas na tangkang malampasan ang tansong medalya na huli nitong nakamit noong 2005 hosting ng bansa sa kada dalawang taong SEAG.
Ang beteranong setter, na nasa ikaapat na pagkakataon na sa biennial meet, ay susubukang palakasin ang koponan upang wakasan ang 20-taong pagkauhaw sa podium at apat na sunod na edisyon ng torneo na pang-apat na silya.
Una nang ipinahayag ni Jia na hangad nitong maipagpatuloy ang tinatamasa na pag-unlad ng pambansang koponan na sinaksihan ng mga nakalipas nitong tagumpay sa sinalihang internasyunal na torneo.
Makakasama nito ang kapwa setter na si Akari playmaker Mars Alba sa pag-oorganisa ng opensa habang ang mga beteranong libero na sina Dawn Macandili-Catindig ng Cignal at Justine Jazareno ng Akari ang mangunguna sa floor defense.
Kabilang din sa lineup ng Brazilian head coach na si Jorge Souza de Brito ang mga multi-awarded middle blockers na sina Del Palomata ng PLDT at Maddie Madayag ng Choco Mucho, pati ang De La Salle star na si Amie Provido.
Ang mga batikang winger ay pangungunahan nina Eya Laure at Vanie Gandler ng Cignal kasama ang mga bata at mahuhusay na hitters na sina Bella Belen ng Capital1, Alleiah Malaluan ng PLDT, Alyssa Solomon ng Osaka Marvelous, Angel Canino ng La Salle, at Shaina Nitura ng Adamson University.
Nakarating ang Alas sa championship round ng AVC Nations Cup ngayong taon ngunit natalo sa three-peat champion na Vietnam.
Napangalan sa Mythical Team ng prestihiyosong kompetisyon sina De Guzman, Canino at Palomata.
Ang koponan ay galing din sa magkasunod na bronze medals sa two-leg SEA V.League.
Sa kabila ng limitadong oras ng paghahanda, inaasahang lalaban ang Alas para sa unang medalya sa SEA Games simula nang manalo ng bronze medal sa 2005 Manila edition.
Magbubukas ang kampanya ng Alas sa Pool A laban sa defending champion na Thailand sa Disyembre 11 bago makipagsagupa sa Singapore kinabukasan. (Lito Oredo)












