Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Zubiri sa mga kapwa kandidato: Mga biktima ni ‘Odette’ tulungan gamit ang pondo sa kampanya

0 179

Personal na binisita nitong Disyembre at Enero ni Senator Juan Miguel Zubiri ang mga probinsyang tinamaan ng bagyong ‘Odette’ para personal na maghatid ng bigas, groceries, tubig, face masks at evacuation tents gamit ang personal niyang pondo na nakalaan sana sa advertising budget bilang kandidato sa halalan.

“Noon pong makita namin kung paano niragasa ng bagyong ‘Odette’ ang Visayas at Mindanao, nagdesis­yon agad kaming ipagpaliban muna ang isang buwan ng advertising para magamit ang pondo namin pambili ng relief goods para sa ating mga kababayan,” ayon kay Zubiri.

“At umaapela ako sa mga kapwa ko kandidato na gawin din po ito, mapa-national o local candidates man. Alam kong malaking bahagi ng mga kampanya ngayon ang advertising dahil limitado ang galaw natin gawa ng pandemya pero walang-wala itong problemang ito sa problemang hinaharap ng mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao na walang matirahan o makain. Kailangan nila lahat ng tulong na kaya nating ibigay.”

Bago mag-Pasko at matapos ang Bagong Taon ay nagtungo si Zubiri sa Visayas at Mindanao para magdala ng 3,200 sako ng bigas; 3,800 grocery packs; 500 na galon ng mineral water; 1,200 evacuation tents; at 50,000 face masks sa siyam na probinsya at anim na siyudad at munisipyo: Agusan del Norte, Butuan City, Surigao del Norte, Iloilo Province, Iloilo City, Negros Occidental, Bacolod City, Kabankalan City, Negros Oriental, Cebu, Bohol, Cagayan de Oro City, Southern Leyte, Dinagat Islands at Siargao Island.

“Una po kaming pumunta ng Visayas at Mindanao ilang araw lang bago mag-Pasko, at nakita namin kung gaano pa kalaki ang pangangailangan ng ating mga kababayan, in terms of basic necessities gaya ng pagkain at tubig,” aniya. “Nakita naming dapat pa kaming bumalik at magdala ng dagdag na ayuda.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.