Una sa Balita

Zanjoe, Ian agawan sa kagandahan ni Jodi

0 340

Ni Dondon Sermino

Isang makulay na kuwento ng isang single mom na kikiligin sa dalawang lalaki ang matutunghayan sa family comedy series na “My Single Lady”, na pagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Ian Veneracion, at Zanjoe Marudo at mapapanood sa iWant simula Enero 22 (Miyerkoles).

Gagampanan ni Jodi ang bidang karakter na si Chona, isang avid Regine Velasquez fan at maarugang single mother sa anim na taong gulang na si Red (Ynigo Dele).

Sa kabila ng pag-atupag sa trabaho at anak, muling mapatitibok ang puso ni Chona nang makilala niya ang mapagkakatiwalaang electrician na si BG (Zanjoe).

Ngunit hindi magiging madali ang paglapit ng loob ng dalawa dahil sa pagbalik ng running mayor at ama ni Red na si Chester (Ian) sa kagustuhang makasama ang kanyang anak. Kahit pa labag ito sa kalooban ni Chona, papayagan niyang makilala ni Red ang kanyang ama.

Mahihirapan lalo sa sitwasyon si Chona dahil hindi lang pala anak nila ang binalikan ng tumatakbong politiko, pero pati na rin ang kanilang naudlot na relasyon. Dahil sa gulo ng isip, tatakbo ito at manghihingi ng payo sa kanyang matatalik na kaibigan.

Isang single mother na mahuhulog ang loob sa dalawang matipunong lalaki—paano nga ba pipili si Chona?

Sa trailer pa lang nila ay maaliw ka na sa mga eksena nila. Hindi pa rin talaga nawawala ang chemistry nina Ian at Jodi. Pero, super bongga rin ng eksena nina Jodi at Zanjoe, na parang inaakit-akit o parang natatakam si Jodi sa katawan ni Zanjoe.

Sabi rin ni Zanjoe, dahil medyo nagsasawa na siya sa mga role na parang ang bait-bait niya, tinanggap niya ang “My Single Lady”, dahil may konting ‘misteryo’ nga raw ito.

Ang “My Single Lady” ang comeback project ng tambalang Jodi-Ian na huling napanood sa pelikulang “Achy Breaky Hearts”, habang ito naman ang kauna-unahang tambalan ng aktres kay Zanjoe.

Tampok ang mga orihinal na kanta ni Regine Velasquez sa six-part original series na idinirek ni Carlo Catu, isinulat ni Janina Gacosta, at mula sa produksyon ni Jodi Sta. Maria, B617, at ng Dreamscape Digital.

Kabilang din sa cast sina Iyah Mina, Brenda Mage, Vitex Paguirigan at Carla Martinez.

Sino ang pipiliin ni Chona? Abangan ang “My Single Lady” sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph. (Dondon Sermino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More