Una sa Balita

Zambales patuloy na mino-monitor sa baha

By , ,
0 8

Bagama’t tuluyan ng lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang super bagyong Butchoy ay patuloy na mino-monitor ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang lalawigan ng Zambales partikular ang mga residente ng San Felipe, San Narciso, at San Antonio.

Bagama’t sinabi sa isang panayam kay Mina Marasigan ng NDRRMC na nagpapasalamat ang ahensiya dahil hindi umano nagtutuluy-tuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Subalit sa kabila nito ay patuloy ang monitoring ng NDRRMC at lagi namang nakahanda ang ahensiya kung sakali umanong magkaroon ng malakas na buhos ng ulan at magkaroon ng mga pagbaha at pagtaas ng tubig sa mga mabababang lugar na apektado ng pag-ulan.

Mismong ang Abante ang lumibot sa bayan ng Olongapo kung saan ilan sa mga lugar na binaha ay ang Tabacuhan, Memorial Park, Sta. Rita Village, Balic-Balic na uma­bot hanggang tuhod na siyang dahilan upang hindi kaagad makadaan ang mga maliliit na sasakyan kabilang ang traysikel.

Hanggang binti naman ang taas ng tubig-baha sa Acacia St., Elicano St. Mactan Highway sa Old Cabalan, Rizal Avenue Rotonda na nagdulot ng pagbubuhol ng daloy ng trapiko at mapilitang lusungin ang tubig-baha ng ilang mga pedestrians.

Bumaha na rin sa tatlo pang Barangay na West Bajac-Bajac, Tapinac at Asinan na sinabayan pa ng high tide bandang alas-12:40 kahapon.

Dahil sa walang ti­gil na pag-ulan, kaagad na isinailalim sa monitoring ng mga awtoridad ang mga ilog sa lungsod ng Olongapo dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.

Ipinagbawal din sa mga kabataan ang paglalaro at pagligo sa tubig-baha dahil sa posibleng pagkakaroon ng sakit na leptospirosis.

Samantala, itinaas kahapon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang heavy rainfall warning o “red warning” sa lalawigan ng Zambales; orange warning naman sa lalawigan ng Bataan; yellow warning sa Tarlac, Cavite, Batangas at Pampanga.

Wala naman umanong bagyong binabantayan ngayon ayon kay Obet Padrina ng PAGASA.