Una sa Balita

Yulo, Diaz flag bearer? Hanap ng iba – Bambol

0 264

PINAG-IISIPAN ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham ‘Bambol Tolentino kung sino ang itatalaga na magsisilbing flag bearer ng Pilipinas sa pagho-host sa ikaapat na pagkakataon sa 30th Southeast Asian Games na magbubukas sa Nobyembre 30.

Sinabi ni Tolentino na hindi siya pabor na itakda ang artistic gymnast na si Carlos Edriel Yulo pati ang weightlifter na si Hidilyn Diaz, at ang iba pang nabanggit na kandidato na sina boxer Eumir Felix Marcial, pole vaulter Ernest John Obiena at skateboarder Margielyn Didal.

“Hanap na lang muna tayo ng iba na puwede tumagal sa pagbitbit ng flag at iyung nasa ikatlong araw pa matapos ang opening ceremony lalaban,” sabi ni Bambol, na tinitingnan ang ekspiriyensa ni Hidilyn Diaz na naging flag bearer ng bansa noong 2012 Beijing Olympics.

Matatandaan na inireklamo ni Diaz ang matagal na pagbitbit ng bandila ng bansa sa kanyang ikalawang Olympics dahil sa mahabang dinaanan ng parada kung kaya nangalay ang kanyang mga braso at hita na naramdaman mismo sa ikalawang araw matapos ang seremonya.

“Kung gusto natin na manalo ng mga ginto ay siguruhin natin na kundisyon ang mga atleta natin. Paano makabuhat si Diaz kung pagod ang mga braso at hita, paano makakasuntok ng malakas si Marcial kung pagod ang braso. Si Obiena, paano maayos na mahahatak ang pole kung masakit ang mga braso. Iyun ang dapat natin isipin,” sabi nito.

Aminado naman ang kagagaling lamang sa pagtatala ng kasaysayan sa 49th FIG World Gymnastics Championships na si Yulo na umiiwas ito na maging flag bearer.

“May hika po ako saka masyado ako maliit para magdala ng flag,” pagbibiro ngunit makatotohanang sabi ni Yulo. “Hindi po ako puwede na masyadong mababad sa initan saka magtagal sa maalikabok na lugar,” sabi nito. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy