Una sa Balita

Yuka Saso 3rd place sa Augusta golf

0 245

GUMAWA ng kasaysayan ang Fil-Japanese na si Yuka Saso nang makasungkit ng top three finish sa inaugural Augusta National Women’s Amateur sa Augusta National Golf Club sa Georgia kung saan ginaganap ang isa sa apat na men’s major golf competition sa mundo, ang The Masters.

Maganda ang gising ng 17-anyos na Pinay prodigy, tumirada ng closing 69 bilang isa sa dalawang kalahok sa huling 30 nakaentra na maiskor ang under 70.

Pumalo si Saso ng dalawang birdy kontra sa isang bogey, sa huling round sa pagpapakita ng tikas. Pero kinulang pa rin ng walong stroke kontra kay Jennifer Kupcho na nagkampeon sa torneo.

Tumabla ang Asian Games gold medalist at mahusay mag-Tagalog sa Haponesang si Yuka Yusada, na sumungkit ng 72 sa huling round sa 4-day event tampok ang international field na 72 amateur player.

Ito ang kauna-unahang beses na pinayagan ang kababaihan na magkaroon ng kompetisyon sa world-renowned golf course, at sinumang manalo dito ay magkakaroon ng imbitasyon sa 2019 US Women’s Open, British Open at iba pang top amateur championships sa Amerika.

Para kay Saso, magandang karanasan ang amateur tournaments bilang kanyang pagsubok na makapasok sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan at sa 30th Southeast Asian Games 2019 kung saan Pilipinas ang host. (Ray Mark ­Patriarca)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy