Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-9 na labas

“Nakakainis ka naman, seryoso ang ipinagtapat ko sa’yo tapos ganyan ang sasabihin mo sa’kin!” pagkasabi niyon ay aktong bababa na ng kotse si Charlotte. Pero naagapan siya ni Glenn nang hawakan nito ang kamay niya.

“O teka, sa’n ka pupunta? Biro lang naman!”

“Magtataxi na lang ako, hindi ka nakatulong sa problema ko.”

“Tutulungan kita promise, let’s go.”

“Paano naman?”

“Hayaan mo pag-iisipan ko…”

Kahit papa’no ay napanatag ang loob ng dalaga. Pero ngayon, sigurado na siya na sa kanya lang nangyayari  iyon. Dahil kung nangyayari rin ang ganoon kay Glenn, malamang na nabanggit na rin nito sa kanya.

Gabi. Nasa condo na si Charlotte kasama si Wilma na nagpapatuyo ng buhok sa electric fan. Nakasanayan na kasi nila pareho na mag-half bath bago matulog.

“Ibig mong sabihin ipinagtapat mo kay Glenn?” gulat na tanong ni Wilma.

“Masama ba’yon?…involve siya sa nangyayari sa’kin kaya okay na rin siguro na malaman niya…”

“Okay fine…baka lang kasi isipin niya na may gusto ka na agad-agad sa kanya kaya para-paraan ka!”

“Exactly! ‘yon nga ang sinabi niya, pero idinaan niya sa biro.”

“Kunsabagay, kung maniwala man siya o hindi nasa sa kanya ‘yon.”

“Pero naihatid na niya ko dito kanina nang tumawag siya sa’kin, at sabi niya sasamahan niya raw ako sa espiritista.”

“Ha? anong sagot mo?”

“Pumayag ako.”

Napalingon si Wilma kay Charlotte.

“Ganern? Nung ako ang nag-aaya sa’yo na pumunta tayo sa espiritista ayaw mo, ngayon kay Glenn payag na payag ka?”

“Bes, ‘wag ka ng magtampo, kasi ngayon ko lang naman napag-isipan na bakit nga ba hindi?”

“Okay, sige at sana masagot ng espiritistang pupuntahan nyo kung anuman ang gumugulo diyan sa utak mo.”

“Sana nga, sige tutulog na’ko ha, goodnight bes.”

Nagbeso pa ang dalawa bago tuluyang lumabas ng silid ni Wilma si Charlotte.

Samantala.

“Pare alam mo sa tingin ko gumagawa lang ng paraan itong si Charlotte para mapalapit sa’yo! Grab the chance!” pilyong sabi ni Ivan habang magkainuman sila ni Glenn sa terrace ng apartment ng huli.

“Sira ka talaga, sa tingin mo ba kailangan pa niyang gawin ‘yon?”

“Bakit naman hindi, iba na ang mga babae ngayon, mas ma-gimik!”

“E pa’no naman kung nagsasabi ng totoo si Charlotte, saka isa pa yung nangyari sa kanya sa simbahan, arte lang ba ‘yon?”

“E di paniwalaan mo siya kung gusto mo, wala namang problema do’n eh! Sakyan mo na lang kung anong trip niya, tutal mukha namang trip na trip mo rin siya eh!”

Sa halip na sumagot sa biro ng kaibigan ay tinungga na lang ni Glenn ang natitira pang laman ng alak sa tagayan.

“Pero pare, eto seryoso ha, kung lalapit kayo sa isang espiritista, doon na kayo sa kakilala ko, kay Madam Liweng, kilala na ‘yon sa pagiging espiritista sa dati naming lugar bata pa lang ako!” suggest pa ni Ivan.

Related Posts

Hapon. Ang usapan nina Glenn at Charlotte ay susunduin ng una ang huli sa restaurant nito ng 5pm. Pero 5:30 na ay wala pa ang binata.

“Bakit kaya wala pa siya…ni hindi man lang mag-text o tumawag kung darating pa ba siya o hindi na…” sa isip ni Charlotte habang panay ang sulyap sa pambisig niyang orasan.

“GLENN wait! Saan ka pupunta may darating tayong bisita right?” habol ni Ivan kay Glenn na nagmamadali sa paglabas ng office.

Saglit na huminto si Glenn para sagutin si Ivan.

“May usapan kami ni Charlotte, late na nga ako eh, ikaw na ang bahala sa bisita okay, kaya mo na ‘yan!” sabay talikod na ng binata.

“Glenn!”

Pero hindi na lumingon pa si Glenn.

“Hay, sana ako na lang ang naging manager at ikaw na lang ang assistant!” reklamo ni Ivan sa sarili habang pabalik sa office.

Paalis na ng restaurant si Charlotte nang huminto sa harapan niya ang kotse ni Glenn.

Nakasimangot siya sabay tingin sa relo niya. Agad namang bumaba si Glenn at nilapitan ang dalaga.

“I’m sorry, marami kasing trabaho sa office, can we go now?”

Nagbuntong-hininga si Charlotte bago sumagot.

“Parang ayoko na ngang tumuloy, tinatamad na’ko, 6pm na….”

“C’mon, ‘wag ka ng magalit okay, nandito na’ko.” may pagsusumamo sa tinig ni Glenn.

Hindi alam ni Charlotte kung bakit hindi niya magawang magalit ng totoo sa binata. Isa pa, dapat na lang niyang ipagpasalamat na willing itong samahan siya kahit pa na-late ito.

“O  ano, let’s go?” ulit na tanong ni Glenn.
“Okay, let’s go.” Sagot na ng dalaga.

Kabado si Charlotte nang pumasok sila sa isang eskinita. Medyo madilim at pinakadulo pa ang bahay na pinuntahan nila. Style kubo iyon na napakaraming kurtina mula sa labas hanggang sa loob.

“Glenn…sigurado ka ba rito?” bulong ni Charlotte habang hinihintay nila ang paglabas ng babae  na nasa silid pa raw sabi ng apo nitong batang lalaki.

“Not really, itinuro lang sa’kin ni Ivan ang lugar na’to. Sabi niya kilala raw dito si Madam Liweng bilang matagal ng espiritista.” Pabulong ding sagot ni Glenn.

Lumabas si Madam Liweng mula sa silid.Tumingin kay Charlotte.

“Alisin mo ang pagdududa sa iyong isipan kung gusto mo na mabigyan kita ng kasagutan.” Seryosong sabi ng matandang babae, edad sitenta. Mahaba ang suot na duster  at nakasuot ng iba’t-ibang palamuti sa katawan.

Nagkatinginan sina Glenn at Charlotte.

“S-sorry po, ako nga po pala si Charlotte, ito naman po si Glenn, kaibigan ko, nandito kami para…”

“Ssshh, ‘wag mo ng sabihin, alam ko na ang pakay nyo.”  Pigil ng matanda sa sasabihin pa sana ng dalaga.

Muling nagkatinginan ang magkaibigan.

Pinaupo sila ng matanda sa isang table na kaharap nito. Inilabas ang baraha at binalasa ito ng ilang ulit bago muling nagsalita.

“Nakita ko na…isang pagbabalik.”

“Pagbabalik po?” takang-takang tanong ni Charlotte.

“Oo, sabihin mo sa akin kung paano  nagkrus ang landas nyo at sasabihin ko sa inyo kung paano ang magiging wakas nito.”

“I-isang aksidente po…nagkabanggaan po ang mga kotse namin…”

“Kotse…aksidente…” tila nag-iisip ng malalim ang espiritista.

At pagkuwa’y muling nagsalita. (Itutuloy)