Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 562

Ika-8 na labas

Hapon. Habang nasa simbahan sila ay biglang nakaramdam ng pagkahilo si Charlotte.

inapo niya at hinilot-hilot ng sariling daliri ang noo.

“Charlotte, okay ka lang ba?”

“O-Oo, medyo sumakit lang ang ulo ko.”

“Gano’n ba, ‘wag na kaya nating tapusin ang misa, buti pa siguro ihatid na kita?”

“Hindi, okay lang ako.”

Napapikit si Charlotte at sa pagpikit niya ay malinaw niyang nakita ang imahe ni Glenn sa altar. Tila nakasuot ito ng pangkasal at naghihintay sa bride. Pero malungkot na malungkot ang mukha.

Sa isiping iyon ay tuluyang nawalan ng malay ang dalaga. Mabuti na lang at nasalo siya ni Glenn.

“Charlotte!”

Napukaw ang atensyon ng mga katabi nila. Ang iba ay nagbigay ng pamaypay, may nag-abot ng tubig at meron ding nag-abot ng inhaler.

“Kuya, buntis ba?” tanong pa ng ang babae.

“H-hindi, baka nahilo lang dahil sa sobrang init.” Sagot ni Glenn sa nagtanong.

Inilabas na ni Glenn ng simbahan si Charlotte. Inalalayan niya ito hanggang sa bagong kotse na hinuhulugan niya.

“Charlotte, gusto mo bang dalhin kita sa doctor?” tanong ni Glenn nang makaupo na sa manibela. Nasa passenger seat naman ang dalaga.

“Doctor? Nagpatingin na ako sa doctor, pero hindi niya nasagot ang mga tanong ko tungkol sa nangyayari sa’kin.”

“Bakit, ano bang nangyayari sa’yo?” hindi ini-start ni Glenn ang makina. Gusto muna niyang marinig ang sasabihin ni Charlotte.

“Kakaiba Glenn, sobrang kakaiba, at hindi ko alam kung maiintindihan mo, kasi maski ako hindi ko maintindihan.”

Related Posts

“Kaya nga tell me, baka sakaling may maitulong ako sa’yo.”

Saglit na nag-isip si Charlotte kung dapat ba niyang ipagtapat sa binata o dapat ay sarilinin na lang niya. Pero baka nga may maitulong ito, baka naman nangyayari rin ito kay Glenn.

Humugot ng isang malalim na paghinga ang dalaga bago muling nagsalita.

“Glenn, tungkol ito sa akin, at sa’yo,” nakayukong sabi ni Charlotte.

“Sa akin?” gulat na tanong ni Glenn.

Tumingin si Charlotte sa mukha ng binata.

“Glenn, ipangako mo muna sa akin na hindi mo ako pagtatawanan at hindi mo iisiping gawa-gawa ko lang ang lahat.”

“Okay, promise.” Itinaas pa ni Glenn ang kanang kamay niya.

Isang saglit pa bago muling nagsalita ang dalaga.

“Mula nang mangyari ang aksidente, nagsimula rin ang kakaibang nangyayari sa’kin, nung nasa ospital pa lang, nagsimula na kitang makita sa panaginip ko, at kung gising naman ako, biglang sumasakit ang ulo ko tapos bigla ulit kitang makikita, ang imahe mo, of course hindi ko sinasadyang isipin ka dahil hindi naman tayo personal na magkakilala, pero sa panaginip ko, parang kilalang-kilala na kita, matagal na.”

Natigilan si Glenn.

“Teka, ano bang napapanaginipan mo tungkol sa ating dalawa?”

“Na parang may pag-ibig na namamagitan sa’tin, parang isang nakaraan na nangyari sa pagitan nating dalawa nagsasayaw, naghahawakan ng kamay, nagyayakap.”

Hindi makapaniwala si Glenn.

“Kung gano’n, anong nakita mo kanina sa loob ng simbahan?”

“Ikaw, nakatayo ka sa altar na parang naghihintay ng bride pero malungkot na malungkot ang mukha mo…”

Napangiti si Glenn.

“Ikaw ha, baka naman may gusto ka lang sa’kin kaya mo sinasabi ‘yan?” biro ng binata.

Napasimangot si Charlotte. (Itutuloy)