Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-46 na labas

Tatanggapin ba niya katulad ng pagtanggap natin?… maiintindihan ba niya ang mga plano natin?”

“Kailangan ba talaga niyang malaman?”

“Glenn, naging mabuti sa’kin si Rick sa lahat ng pinagsamahan namin, kung nakagawa man siya ng ganitong pagkakamali, hindi naman siguro sapat ‘yon para ipagkait ko sa kanya ang katotohanang ito…”

Hindi sumagot si Glenn. Nanatili lang itong nakatanaw sa malayo.

“Ang ikinatatakot ko lang, paano kung kunin ni Rick ang anak ko…paano kung hindi siya puma­yag na tayo na lang ang maging mga magulang ng anak niya?”

Hinawakan ni Glenn ang palad ng dalaga.

“Don’t worry, haharapin natin ito ng magkasama…”

Labag man sa kalooban ni Glenn ay napagkasunduan pa rin nila ni Charlotte na sabihin kay Rick ang tungkol sa pagdadalang-tao ni Charlotte. Umasa na lang sila na maiintindihan sila nito sa mga plano nila para sa bata.

Sa pagbabalik ni Charlotte sa Manila ay kasama na niya si Glenn. Sa dating apartment ni Glenn sila tumuloy.

“Na-miss ko ang lugar na’to. Ang bahay ko!” bulalas ni Glenn habang papasok sila sa loob ng apartment.

“Glenn, puwede bang ‘wag ka nang sumama sa pakikipag-usap ko kay Rick?” tanong ni Charlotte nang makaupo na siya sa sofa sa loob.

“Bakit naman?”

“Baka kasi, alam mo na…”

“Iniisip mo bang gagawa ako ng gulo?”

“Hindi naman sa gano’n…”

“Okay fine, kung wala kang tiwala sa’kin e di sana pala nagpaiwan na lang ulit ako sa isla.” Kunwa’y may himig pagtatampo sa tinig ng binata.

Tumayo si Charlotte at yumakap sa likuran ni Glenn.

“O sige na nga, pero hayaan mo lang kaming mag-usap ha!”

Humarap si Glenn at siya namang yumakap dito.

“Honey, hindi naman makitid ang utak ko, hihintayin na lang kita dito… sana lang maging maganda ang pag-uusap ninyo, I trust you with all my heart.”

“Kaya naman mahal na mahal kita!” sabay pisil ni Charlotte sa pisngi ng binata.

“Pero mas mahal kita!” gumanti ng pisil sa pisngi ng dalaga si Glenn.

Sa restaurant nila sa Manila nakipagkita si Charlotte kay Rick. Sa mismong opisina niya.

Pagkakita pa lang ni Rick sa dalaga ay agad niya itong niyakap pero agad ding kumalas si Charlotte sa yakap niya.

“Maupo ka Rick.”

Related Posts

“Sweetie napakaseryoso mo naman yata, gaano ba kaimportante ang pag-uusapan natin?”

“Isang maselang bagay na may kinalaman sa ating dalawa.”

“Maselan?” naupo si Rick at inihanda ang sarili sa pakikinig sa sasabihin pa ni Charlotte.

Kabado si Charlotte. Pero wala siyang balak baguhin ang desisyon.

“Rick, hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, alam mo naman siguro na tutol ako sa nangyari sa atin, sa ginawa mong pagpuwersa sa akin… pero …”

“Pero ano?”

“Pero ang gabing ‘yon, ay nagbunga…”

Nanlaki ang mga mata ni Rick.

“Charlotte, sinasabi mo bang buntis ka at ako ang ama?” natutuwang tanong ng binata.

Tumango ang dalaga kasabay ng pagyuko . Nasaktan si Rick sa reaction nito na para bang hin­ding-hindi nito gugustuhin ang pangyayaring iyon.

Hinagap ni Rick ang kamay ni Charlotte bago muling nagsalita.

“Sweetheart, ito na ang sign, na para tayo sa isa’t isa, hindi mo alam kung gaano ako kasaya ngayon!”

Binawi ni Charlotte ang kamay niya.

“Rick, alam mo bang nasasaktan ako ngayon para sa’yo… nasasaktan ako dahil hind ko gustong saktan ka, kaya lang alam mo naman na may nagmamay-ari na ng puso ko ‘di ba?”

Natigilan ang binata. Siya naman ang napayuko.

“So anong plano mo Charlotte?”

“Ituturing siya ni Glenn na sariling anak… siya ang magiging ama niya…”

Napailing si Rick.

“At ako, hindi ako makikilala ng anak ko gano’n ba?”

“Rick, alam kong hindi ito gano’n kadali pero sana maintindihan mo…”

Tumayo si Rick at saglit na nagpalakad-lakad sa maliit na sulok ng silid na iyon.

“Charlotte, alam mo ba ang sinasabi mo? So anong purpose at sinabi mo pa sa akin ito kung hindi mo rin lang ako bibigyan ng karapatan sa anak ko?” medyo tumaas ang boses ng binata.

“Huminahon ka please?… hindi lang kasi makaya ng konsensya ko na ilihim sa iyo ito… pero nakikiusap ako na pumayag ka na sana sa plano namin para sa ikatatahimik nating lahat.”

“Ako ang makikiusap sa’yo Charlotte,’wag mong gawin sa’kin ‘to…”

“Anong gusto mong mangyari Rick?”

“Kung hindi na kita mababawi kay Glenn, kukunin ko ang anak ko.” (Itutuloy)