Una sa Balita

Yesterday’s Reflections

By
0 557

Ika-45 na labas

“Mukha kasing hindi ka okay. Nga pala, namili na ako ng gamit ng baby natin, pabuburdahan ko na lang kay Tita Gina ng pangalan, Glenn Jr.!” “Sigurado ka na ba?”

“Sigurado saan?”

“Ang ibig kong sabihin, kung lalaki o babae ang magiging anak natin…”
“Siyempre hindi pa, assuming lang!” nakangi­ting tugon ni Charlotte.

Naupo sa gilid ng kama si Glenn sa tabi ng da­laga at muling nanahimik.
“Honey, masama ba ang pakiramdam mo?” muling tanong ni Charlotte.

“S-siguro nga masama lang ang pakiramdam ko…”
“Buti pa humiga ka ulit at hihilutin ko ang ulo mo, tapos pagkakain mamaya uminom ka ng gamot okay?”

Tumango si Glenn at sumunod na lang sa nais nito.

Hapunan. Tinulungan ni Glenn ang tiyahin sa pagluluto ng pagkain.
“O Glenn, nasaan si Charlotte?”

“Nasa kuwarto po, inaayos niya ang mga gamit ng baby sa cabinet.”
Huminto sa paghihiwa ng gulay si Aling Gina at tumingin sa pamangkin.
“Nasabi mo na ba sa kanya?”

Umiling ang binata.

“Hay Glenn, sa tingin ko dapat niyang malaman hangga’t maaga…”

“Pero tita, masasaktan lang siya at hindi ko alam kung matatanggap niya na si Rick ang ama ng dinadala niya at hindi ako…”

“Oo siguradong masasaktan siya, maaaring doble pa sa sakit na naramdaman mo pero hindi mo siya dapat paglihiman, ‘wag mo siyang paasahin sa isang bagay na hindi totoo dahil ang wagas na pag-ibig ay naniniwala sa katotohanan at nana­nalig sa kabutihan nito.”

Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang pareho nilang maramdaman ang presensya ni Charlotte mula sa likuran ng kurtina na naghihiwalay sa salas at kusina. Marahang hinawi ni Charlotte ang kurtina at malungkot na bumungad sa kanila.

Related Posts

“G-Glenn… totoo bang lahat ng narinig ko?”

“Glenn, Charlotte, pag-usapan ninyo ito ng maayos, lalabas na muna ako.” Pagkasabi niyon ay pansamantalang iniwan ni Aling Gina ang mga hinihiwang gulay.

Saglit na naghari ang katahimikan sa pagitan nila. Si Glenn ang bumasag niyon.

“Honey, I’m sorry… nu’ng umalis ka, nagpatingin ako sa doctor… hindi naman sa naniniguro akong akin ang dinadala mo, kundi gusto ko lang na mapanatag tayong dalawa… pero hindi naging maganda ang resulta… matindi ang naging pinsala sa akin ng huling aksidente…

naapektuhan nito pati ang kakayahan kong magkaanak… ang totoo marami pang ipinaliwanag sa akin ang doctor tungkol dito pero isa lang ang naging malinaw sa’kin… ang katotohanan na hindi kita mabibigyan ng anak…” pautal-utal at paputol-putol na paliwanag ni Glenn.

Hindi makapagsalita si Charlotte. Natutop niya ang sariling bibig. Kung totoo ang mga sinabi ni Glenn, ibig sabihin ay dinadala niya ang anak ni Rick. Parang nauupos na kandilang unti-unting napaupo si Charlotte kasabay ng pagluha.

“H-Hindi… hindi totoo ito…” halos pabulong na nasabi niya.

Nilapitan ni Glenn ang dalaga at isinandal ito sa mga bisig niya.

“Honey, mahal na mahal kita… umaasa akong walang mababago sa pagtitinginan nating dalawa…” napapaiyak na ring sabi ni Glenn.

miyak lang nang umiyak si Charlotte. Pilit pinapanatag ang sarili sa mga bisig ni Glenn mula sa mga pangambang dulot ng ipinagtapat nito.

Sa baybayin ng dagat magkatabing naupo sina Glenn at Charlotte.

“Charlotte, kanina ka pa walang kibo, sabihin mo naman sa akin kung anong iniisip mo ngayon…”

Ilang saglit bago tumugon ang dalaga.

“Hindi ko alam… naguguluhan ako… ikinondisyon ko na kasi ang sarili ko na sa inyo na lang ng magiging baby natin iikot ang mundo ko… pero ngayon, paano ko sasabihin kay Rick ang tungkol dito? (Itutuloy)